Smuggling sa Customs

HINDI na yata masusugpo ang talamak na smuggling na dito’y sangkot pa ang ilang tiwaling tauhan o opisyal ng Bureau of Customs. Kaya sa pagbasa n’yo sa sub-title ng ating kolum, maaaring masabi ninyong what else is new? Di ko kayo masisisi.

Sinulatan ako ng aking kaibigang si Babe Pulido para tawagan ng pansin ang pangasiwaan ng Adwana hinggil sa mga anomalyang nagaganap sa kawanihan.

Aniya sa sulat: "Dahil sa kautusan ni Pangulong GMA na pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga smugglers, sana’y mailathala mo ang malaking anomalyang nagaganap sa Manila International Container Port (MICP) Assessment Center.

"Isang broker-forwarder na kilalanin na lang natin sa inisyal na J.J. na ka-partner ni Aling Fe ang may ganitong operasyon. Ginagawang opisina ang kanilang modelong kotse kasama ang kanilang mga tauhan at laging nakaparada sa MICP.

"Madalas din silang nasa United Seaman’s Service, at golf course sa Intramuros, at sa mga naturang lugar ay doon sila naghahatag ng lingguhang lagay sa mga ahente ng Customs, dating EIIB agents, CIDG mga informers at iba pang dapat suhulan para makapagpatuloy ang kanilang ilegal na operasyon.

"Iyan ang kanilang modus operandi. Marami silang kasabwat sa Customs, Assessment Center at mga awtoridad na nagbibigay pa ng mga escort sa mga 40-footer van na naglalaman ng sari-saring epektus para walang sabit at madaling mailulusot ang smuggled items.

"At kung masabat ang delivery, itatawag lang kay Mr. JJ na agad maglalaan ng pang-ayos sa mga apprehending authorities.

"Heto ang mga taong taga-ayos: Nonoy – taga-bigay ng lagay tuwing linggo; Kampon – tagabigay ng lagay sa golf course sa Intramuros; Lakay Leyda – taga-ayos sa United Seaman’s Service.

"At sa ganitong lisyang operasyon, narito ang mga sasakyang kanilang ginagamit: Isang bagong red Honda; sasakyang may plate number na WGN 924; WGP-173 (Silver Highlander); WGL-215 (Red Revo); WGL-285 (Red old model Hi-Lander) at XAW-834 (Green Kia).

"Ang kanilang mga "parating" ay mga RTW, electronics, foodstuffs, gamot, spare parts, at marami pang dutiable items na nakalulusot nang hindi binabayaran ng karampatang buwis sa pamahalaan.

"Multi-milyon, kundi man bilyong pisong halaga ang naipupuslit sa bansa at kaawa-awa ang gobyerno na napagkakaitan ng buwis samantalang maraming mga tiwaling tao lamang ang nagpapasasa.

"Umaasa ako na magkakaroon ng kaukulan at malalimang imbestigasyon para matigil na ang kawalanghiyaang ito. Harinawang sa pamamagitan ng kolum mo Pareng Al ay makarating sa mga kinauukulang awtoridad (iya’y kung hindi sila natatapalan) ang reklamong ito para magawan ng aksyon kaagad." (Lagda) Ulpiano "Babe" Pulido ng Sampaloc, Manila"


Salamat sa sulat mo Pareng Babe. Tama ka. Hilahod na nga ang kabuhayan ng bansa, nagaganap pa ang mga ganyang pangungurakot. Nakalulungkot na may mga tauhan at opisyal ang gobyerno na nagpapaalipin sa kanilang kasakiman. Dapat talaga’y bitayin ang mga hunghang na iyan!

Sana’y huwag magbingi-bingihan ang mga kinauukulang awtoridad sa ibinunyag mong ito. Liban na lang kung sinalaksakan ng kadatungan ang kanilang mga teynga!

Show comments