Mala-inang pagmamahal

SA mga isinulat ni Propeta Isaias, nakikita natin na ang Diyos ay isinalarawan bilang isang mapagmahal na ina. Tiyak na narinig n’yo na ang awiting ‘‘Hindi Kita Malilimutan’’ na kinatha ni Fr. Manoling Francisco, S.J. Ang awit na ito ay pinasikat ni Basil Valdez.

Sa katunayan ang mga titik ng naturang awitin ay mula kay Yahweh, ang Diyos. Nais niyang ipaalala sa Israel na ang Israel ay minamahal at malapit sa puso ni Yahweh.

Pakinggan natin si Isaias (Isa.49:13-17).

‘‘Kalangitan, umawit ka! Lupa, ikaw ay magalak,

Gayon din ang mga bundok, pagkat inaaliw nitong si Yahweh,

Ang Kanyang hinirang, sa gitna ng hirap ay kinahabagan.

Ang sabi ng mga taga-Jerusalem, ‘Pinabayaan na tayo ni Yahweh.

Nakalimutan na niya tayo.’

Ang sagot ni Yahweh, ‘Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?

Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?

Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang bunso,

Ako’y hindi lilimot sa inyo kahit na sandali.

Jerusalem, hinding-hindi kita malilimot.

Pangalan mo’y nakasulat sa aking mga palad.

Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo.

At ang nagwasak sa iyo ay paalis na.’’


Dapat nating malalim na paniwalaan sa ating puso na ang Diyos, ang ating Ama, kailanma’y di tayo susubukin nang higit o lampas sa ating lakas o kakayahan. Sinasabi ni Yahweh na kahit na makalimot ang isang ina sa kanyang sanggol, si Yahweh kailanma’y di-makalilimot sa kanyang sambayanan. Ang pangalan ninyo’t pangalan ko’y nakaukit sa mga palad ng mga kamay ni Yahweh.

Sa panahong ito ng Kuwaresma, balikan ninyo ang inyong mga karanasan sa loob ng ilang taon at tingnan kung gaano katotoo ang mga kataga ni Yahweh sa ilang ulit na pagsubok na hinayaan ng Diyos na daanan ninyo.

Kahit na si Jesus na nakaranas ng tila pagpapabaya ng Ama sa krus, ay sa bandang huli naranasan din – sa kanyang buong pagkatao – ang makapangyarihang pagbibigay-buhay muli ng kanyang Ama. Sinasabi ni Jesus na ganoon din ang mangyayari sa bawat isa sa atin.

Show comments