Sugpuin ang CD piracy

MATAGAL nang nagkalat sa mga bangketa ang mga pekeng CDs at hanggang sa kasalukuyan walang ngipin ang batas para mahuli at maparusahan ang mga gumagawa nito. Nagkakaroon ng raid ang mga awtoridad subalit ang mga malilit na vendor ang nadadakip at hindi ang utak ng pamimirata.

Hindi lang sa mga bangketa itinitinda ang mga pekeng CDs kundi maging sa mga shopping malls. Ayon sa chairman ng Video Regulatory Board na si Atty. Lualhati Buenafe, kulang ang kanilang tauhan para dakpin ang mga nagbebenta kaya ang nangyayari ay tug-of-war. Kapag nalaman ng mga vendor na may nanghuhuli, nagtatakbuhan ang mga ito at itinatago ang mga pekeng CDs. Kapag wala na ang mga awtoridad, tuloy ang ligaya.

Napag-alaman ko na sa loob ng 24 oras ay mahigit sa 20,500 kopya ng CD ang nadu-duplicate. Meron na umanong 15 uri ng duplicating machines na ginagamit sa kasalukuyan. Ang pamimirata ay ginagawa sa premiere night o sa first day showing ng pelikula. May sabwatan ding nagaganap sa film laboratory pa lang.

Dahil sa film piracy, mahigit 300 sinehan na sa bansa ang nagsara at marami ang nawalan ng ikabubuhay. Ngayon ay ilan na rin lang ang nagpo-produce ng pelikula dahil sa talamak na pamimirata.

Isang taga-pelikula ang nagpanukala na para maputol ang pamimirata kailangan ang pagkakaisa ng mga local government units at hindi lang ang nagbebenta ng mga pirated CDs ang dapat parusahan kundi pati na rin ang mga bumibili.

Show comments