Impormasyon ang kailangan ng taumbayan tungkol sa tunay na nagaganap sa maliit na silid ng Sandiganbayan na pinaglilitisan kay Joseph Estrada sa kasong plunder. At telebisyon ang solusyon dito. Dapat nang i-televise ang Erap trial.
Tinanggihan ito nung una ng Sandiganbayan. Baka raw maabala ang proceedings. Baka magpasikat lang ang mga abogado. Baka umalma ang taumbayan sa ebidensiya at madala ang justices sa sentimiyento, lugi naman ang akusado.
Pero malaki ang pinagbago ng sitwasyon mula nang isakdal si Erap nung Hunyo. Sinibak niya ang siyam na defense lawyers (pero tuloy ang tatlo sa pag-defend kay coaccused na anak na si Jinggoy). Ayaw niyang tanggapin ang in-assign ng Sandiganbayan na public at private defenders. Inakusahan pa niya ang justices ng bias. At nagbababala ang spokesmen niya na magra-riot muli ang loyalists kapag natunugan ang pagkakait ng hustisya.
Dahil dito, dapat siguro repasuhin ng justices ang pasya. Kung iti-TV ang trial, magpapakatino lahat ng kasali. Mag-iingat ang prosecutors sa pagpresenta ng ebidensiya; walang pakulo. Kakapit ang mga testigo sa katotohanan, di lang dahil sa sumpa kundi dahil nanonood ang madla. Sisikapin ng justices na ipagtanggol ang karapatan ng akusado, lalo nat wala itong abogado. TV ang gagarantiya ng mabilis at patas na trial kay Erap. Impormasyon mula sa TV naman ang pagbabatayan ng madla kung patas nga ba o dapat ibasura ang magiging pasya.
Dapat na ring ipalabas ang footages ng trial simula nung Hunyo. Pina-video ito ng justices para ipalabas sa huli. Pero, ngayon na, nang malaman ng madla kung inapi o hindi si Erap simulat simula pa.