Isa sa pinakamainit na isyu ngayon ay ang planong pag-legalized sa prostitution. Ang pag-legalized ay iminumungkahi ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas. Anang Labor Secretary, panahon na para mabago ang isinasaad sa Revised Penal Code tungkol sa anti-prostitution. Umanoy marami ang naghahangad na maging legal na ang prostitution subalit hinahadlangan ng Simbahang Katoliko at ilang sektor. Sinabi ni Sto. Tomas na dapat rebisahin ang batas at tukuyin kung bakit may mga kababaihang nasasadlak sa prostitution.
Ang plano ni Sto. Tomas ay nataon pa sa pagdiriwang ng International Women Month. Legalisasyon sa illegal na prostitusyon ang kanyang nakikitang mabuti at hindi kung paano maiaalis ang kababaihan sa putikan at magkaroon ng maaayos na trabaho at makatulong sa lipunan. Sa pagpabor ni Sto. Tomas para ilegalized ang prostitution, nakikita naming mahihikayat ang mga kababaihan (lalo ang mga nanggaling sa dahop na pamilya) na huwag nang magsikap. Baka hindi na maghanap ng anumang marangal na gawain at gugustuhin na lamang "magputa".
Hindi lamang ang mga kababaihan ang nasasadlak sa prostitution kundi pati ang mga kalalakihan. Marami na ngayong kalalakihan na kinakalakal ang kanilang sarili upang matugunan ang pangangailangan sa buhay. Naniniwala kami na mahirap humanap ng trabaho sa kasalukuyan, pero hindi ang "pagpuputa" ang huling paraan. Marami pa. At kung nagkakaroon ng positibong isulong nga ng Labor Secretary ang legalisasyon ng pagpuputa, mas lalo pang marami ang hindi na magnanais magtrabaho ng disente at kakalakalin na lamang ang katawan.
Ngayoy pabata nang pabata ang mga kumakalakal ng kanilang laman, mula 14 anyos hanggang 20 ay humahataw na. Isa sa sanang dapat gawin ng DOLE ay makalikha ng maraming trabaho upang ang mga "nagpuputa" ay hindi kalakalin ang sarili. Kung ang prostitusyon ay gagawing legal, baka marami ang magmungkahi na gawin na ring legal ang jueteng at ang pagbebenta ng shabu. Pag-isipan sana ang kakatwang balak na ilegalized ang "pagpuputa".