Mrs. Josephine Dasalla, 12-B Perth Apt., #27 Perth St., Homantin, Kln, Hong Kong: Nabasa ko ang kolum niyo tungkol sa Philhealth (Sapol, 19 Peb. 2002) para sa aking legal dependents sa Pilipinas. Puwede ba ako mag-member kahit nandito ako sa HK? Papano?
Julia Gates, yahoo.com.sg: Gusto kong i-verify kung tama ang sabi ng OWWA na kahit hindi na OFW ay puwede pa ring ituloy ang medicare contribution dito. Pinag-iisipan ko kasi kung itutuloy ko pa sa OWWA, gayong hindi na ako OFW simula Nob. 2001, o sa Philhealth na ako.
Ipinasagot ko ang mga tanong kay Ms. Linda Laureta, Philhealth manager for corporate communications. Tiyak, maraming OFWs na may katulad na sitwasyon.
Sabi ni Ms. Laureta, baka ang asawa ni Mrs. Dasalla ay member na ng Philhealth, ipagpatuloy na lang ang contributions. Sakop na si Mrs. Dasalla at legal dependents nila. Kung hindi naman, puwede niyang pasalihin ang asawa o anak na mayor de edad pero walang asawa; sila naman ni Mrs. Dasalla ang lalabas na dependents. Sakop silang lahat.
Sa kaso ni Julia Gates, sabi ni Ms. Laureta na may binuo nang task force para isailalim na lang sa Philhealth ang OWWA medicare program. Itoy dahil Philhealth ang kinikilala ng batas na national health insurance program. Tsaka, malaki na ang Philhealth; kasapi dito ang members ng SSS at GSIS, at mga self-employed. Sa panahon ngayon ng health funds, iba na ang malaki. Size does matter, ika nga, mas matatag.
Panawagan na rin sa mga amo: Isali niyo sa Philhealth ang mga katulong niyo sa bahay, pati family drivers. Para kung nagkasakit sila o ang dependents nila (kapatid, magulang, asawa, anak), may benefits sila sa doktor, ospital, gamot at lab tests. Kung puwede, sagutin nyo na ang hulog: P125 nila at P125 ninyo kada buwan. Sa konting halaga, kampante ang kalooban ninyong lahat.