Bahagi raw ng script ang paghingi ng pahintulot ni Erap upang ipagamot ang kanyang tuhod sa US. Drama rin daw ang pagpapaalis ni Erap sa kanyang mga abogado upang makuha nito ang simpatya ng mamamayan.
Ang sabi naman ng mga maka-Erap, ang nagdadrama raw ay si GMA. May sarili itong script at ito ang sinusunod sa pagpapatakbo ng pamahalaan at kung papaanong patakbuhin ang istorya na may kinalaman kay Erap at iba pang mga kalaban sa pulitika.
Talaga nga namang ang Pilipinas ay parang isang entertainment stage na kakakitaan ng sari-saring larawan ng buhay. May drama, aksyon, romance at comedy. May mga bida, kontrabida, comedians at mga co-starring at extras. Ang problema nga lamang ay hindi na nagbago ang takbo ng istorya. Pare-pareho rin ang mga eksena, props at locations. Ang nagbago lamang ay ang mga nagsisiganap.
May bahid ng katotohanan ang obserbasyon ng marami na drama lamang ang nagaganap ngayon sa ating bansa. Walang patutunguhang maganda ang Pilipinas kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon. Pakiusap ko lamang sa mga pulitiko ng magkabilang-panig, kung mahal nyo ang ating bansa, magsitigil na kayo sapagkat ang talagang nasisira sa labanan ninyo ay walang iba kundi ang ating bansa mismo at tayo ring mga Pilipino.