Ang hi-tech na pamamaraang ito ay panibagong banta na naman sa mga Pinoy na baka maglublob sa mas talamak pang problema sa droga. Kamakailan lamang, sinabi ng isang opisyal ng United Nations na ang Pilipinas na ang number one sa pagpo-produce ng shabu sa Asia. Ito na ang ginagawang transhipment ng mga shabu mula sa ibang bansa gaya ng China. At kung mapigil man ang mga drug traffickers sa pagdadala ng shabu rito, ang Internet naman ang panibagong kalaban na mas mahirap matiktikan. Sa isang report, sinabi na mas matindi ang nagagawang transaksiyon sa pamamagitan ng Internet sapagkat maging ang Customs database ay napapasok na rin.
Hindi biro ang problema ng droga sa Pilipinas na pati mga opisyal ng pamahalaan ay nasasangkot dito. Malaking pera ang nakikinabang kaya marami ang nahuhulog sa patibong ng mga salot. Pati mayor ay nasasangkot sa droga at isa na rito si Panukulan, Quezon Mayor Ronnie Mitra na pati ambulansiya ay ginagamit kargahan ng shabu. Maraming opisyal at miyebro ng PNP ang sangkot sa drugs na isang dahilan kung bakit hindi masugpo ang problemang ito.
Sa pag-usbong ng bentahan ng drugs sa Internet, mas lalo nang mahihirapan ang mga awtoridad na masugpo ang pagkalat ng salot. Mas nakatitigatig sapagkat ang mga kabataang Pinoy ngayon ay nakababad na sa mga computer at sa kanila nakaamba ang panganib ng illegal drugs.
Kamakailan ay ipinasa ang Comprehensive Drug Act of 2002. Sa ilalim ng batas na ito ang sinumang makumpiskahan ng 99 gramo ng shabu ay parurusahan ng kamatayan. Hindi pa malaman kung kakagat ang batas na ito. Sa ngayon ay wala rin namang magawa ang National Telecommunications Commission sa mga Internet service providers para matigil ang drug trade sa cyberspace.
Ang problema sa droga ay malala na at dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.