Sa darating na bakasyon, muling ipapamalas ng ating mga kabataan ang kanilang kakayahan at adhikain na tumulong sa layunin ng ating pamahalaan na mabigyan ang mga kapus palad na kababayang walang tirahan sa idaraos na Youth Build 2002 ng Habitat for Humanity. Ang makabuluhang proyektong ito ay nagnanais na turuan ang mga kabataan na tumulong na walang hinihinging kapalit, at turuang ipakita ang kanilang talento at kakayahan. Hindi nga lamang ito isang ordinaryong karanasan sa kanilang buhay kundi isang makabuluhang karanasan na magpapabago hindi lamang ang kanilang pananaw sa buhay kundi ng buhay at mga pangarap ng ibang pamilya.
Sa taun-taong partisipasyon ng mga kabataan sa programa ng Habitat, dito natin makikita na ang proyektong pabahay ay hindi lamang layunin at gampanin ng ating pamahalaan at pribadong sector ng ating lipunan. Ang kabataan ay handa ring tumulong sa pagtatayo ng mga disenteng bahay para sa ating mga kababayan sa buong bansa.
Sa Habitat for Humanity at mga namumuno sa Youth Build 2002, mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang ating mga kabataan!