At ang sisi ukol sa malaganap na jueteng operations na palaging nakatuon noon kay Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Leandro Mendoza ay mababaling na kay GMA o dili kayay sa mga alipores niya na naghahanda na para sa darating na 2004 elections.
Hindi biro ang ginawa nitong si Ruben Marin, 35, isang kabo ni Ngongo, para ibulgar ang malawakang pandaraya niya sa jueteng. At hindi naman kaila sa atin na ang mga supporter ng nakakulong na dating Presidente na si Joseph Estrada, na tinatawag na masa, ang siyang tumatangkilik sa jueteng. Hindi kaya may halong pulitika itong expose ni Marin? Alam naman natin na sa ngayon ay pilit ginagatungan ng kampo ni Erap ang kanyang mga supporters para umalsa laban kay GMA, di ba mga suki?
Sinabi naman ng mga pulis na nakausap ko na itong si Caliwag ay hawak ang malaking sindikato sa illegal gambling na pinamumunuan ng isang retiradong pulis na nag-oopisina sa Classmate nightclub sa Quezon City. Kaya malaki ang papel na gagampanan ng grupo ng retiradong pulis sa gagawing damage control ng kampo ni Ngongo para mapatahimik ang isyu ukol sa expose ni Marin. He-he-he! May pagkakitaan na naman sila, di ba mga suki?
Kung sabagay, ang grupo ring ito ang may hawak ng intelihensiya ni Ngongo sa Department of Interior and Local Government (DILG), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang sangay ng pulisya kayat hindi ako magtataka kung walang kikilos sa kanila. Kung meron mang raid na mangyayari mga suki, sigurado akong hingi-huli o drama lang ang mga yan. Sa pagbubulgar din ni Martin napapatunayan na dinadaya na ng mga jueteng lords ang kanilang parokyano. At tama rin ang suspetsa natin na karamihan sa gambling lords sa ngayon ay takbuhin o ayaw magbayad kapag tinamaan sila.
Kung paniniwalaan si Marin P2 milyon kada araw ang kinikita ni Caliwag sa 10 estasyon pa lamang sa Pampanga kayat malaki ang posibilidad na tataas pa ito. At hindi rin nalalayo na milyun-milyon din ang pinapaabot ni Ngongo na protection money sa tiwaling sangay ng ating gobyerno, kabilang na ang PNP. Kaya pala kahit abot-langit na ang pagbubulgar na ginagawa ng diyaryo, TV at radyo sa jueteng eh tahimik ang pamahalaan ni GMA.
At dahil sa expose na ito ni Marin, sigurado akong hindi lang sa Pampanga magkaroon ng hingi-huli o drama kundi sa buong bansa para pangunahan ang reaksiyon ni GMA. Abangan.