Ang pagtatanim ay sugal

NALULUNGKOT ako habang naglalakad kami ni Mang Senting sa pilapil. Tuyung-tuyo kasi ang kabukiran. Malalaki ang bitak ng lupa. Oktubre noon at wala pang ulan. Kailangan ang masaganang ulan para mabuhay ang palay.

Sabi ni Mang Senting na ilang araw pang walang tubig ay wala nang mapapakinabang sa palay. Noon ko din nalaman na hindi lang pala tuwing nagtatanim kailangan ng tubig ng palay.

‘‘Pagsumasapaw na ang palay ay lalong kailangan ng tubig,’’ sabi ni Mang Senting.

‘‘Ganoon ba. E ngayon natutuyo na ang mga palay ibig mong sabihin wala kang aanihin pag-nagkataon?’’ tanong ko.

‘‘Opo, Doktor,’’ sagot niya na parang walang bahala.

‘‘Gaano ba ang naaani mo Mang Senting?"

"Karaniwan sa isang ektarya ay umaani ako ng 80 kaban kapag sagana sa ulan. Pero pag hindi, masuwerte na kung makakuha ng 10 kaban.’’

‘‘Mahirap pala ang pagtatanim ng palay Mang Senting,’’ sabi ko.

‘‘Talaga Doktor. Itinuturing kong ang pagsasaka ay isang sugal,’’ sabi ni Mang Senting. "Kung hindi tagtuyot ang darating ay maaaring pagbaha at pagdagsa ng kulisap.’’

Parang tanggap ni Mang Senting ang pagkatalo. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Kaya sa akin, natural na lang ang magsugal. Nagsasabong ako kung Linggo. Nakagawian ko na ito, Doktor.’’

‘‘Dapat pala di ka na nagsasabong dahil ang pagtatanim ng palay ay isa nang sugal.’’

Show comments