^

PSN Opinyon

Editoryal - Turuan ang masa para di na magkamali

-
HABANG kinakaladkad ni dating President Estrada ang isyu ng kanyang kasong pandarambong at kinukuha ang simpatya ng masa na dati nang nabulag, mas makabubuti sa pamahalaan na simulang turuan ang taumbayan sa pagpili ng tamang lider sa hinaharap. Ipaunawa ang masamang epekto kapag nagkamali sa paghahalal ng lider lalo na kung ito ay Presidente. Hindi komo sikat ang kakandidato ay ito na ang pipiliin. Hindi komo nagpakita ng pagmamahal sa mga tagahanga ay magiging batayan na para iluklok sa mataas na tungkulin. Ang paghahalal ay hindi isang gawaing madali, nararapat itong pag-isipan bago isulat ang pangalan sa balota. Kapag nagkamali at muling naihalal ang isang sikat na personalidad, ano ang mangyayari sa bansa. Kawawa!

Ngayo’y maugong ang tambalang Estrada-FPJ. Sa bibig mismo ni Estrada nanggaling na baka tumakbo si FPJ. Ano ito? Isa na namang panoorin o palabas na sa dakong huli’y ang mga manonood ang maghihirap at iiyak. Sa kabila na sinasabi ni Estrada na siya’y lubog na lubog na at hindi nakakakuha ng parehas na hustisya, gumagana naman ang kanyang utak para hatakin ang isyu sa isa namang patibong na ang nahuhulog ay masa. Hindi ngayon ang unang pagkakataon na si FPJ ay nahatak sa ganitong usap-usapan, maski noong 1999 ay malakas ang ugong na tatakbo siya sa pulitika bagamat siya na rin ang nagsabi na wala itong katotohanan.

Nagtagumpay si Estrada na kunin ang puso ng masa. Mula sa mga pelikulang nagpakita ng pagtatanggol sa naaapi ay mabilis niyang nabihag ang marami at nadala siya sa Malacañang. Subalit makalipas lamang ang mahigit dalawang taon, natikman ng masa ang lupit ng kanilang iniluklok. Naakusahan ng pandarambong si Estrada. Umamin na dahil sa pagmamahal sa kaibigan ay pumirma bilang "Jose Vilarde" para mag-garantiya. Mas mahal ni Estrada ang kaibigan kaysa sa mga nagluklok sa kanya. Malinaw ang katotohanang ito at hindi na dapat pang malito ang masa. Ang pag-arte ay bahagi ng kanyang buhay at ang masang nagugutom ay madaling akitin ng pagpapanggap.

Kinaladkad na naman ang masa para mag-alsa at ang ganitong problema ang dapat resolbahin ng kasalukuyang pamahalaan. Kalingain ang mahihirap. Bigyan ng pagkain sa bawat hapag at bigyan ng permanenteng tirahan. Kung mayroon na nito, hindi na sila magmamartsa sa kalsada dahil sa udyok ng mga pulitiko. Wala nang EDSA Kuwatro gaya ng pananakot. Hindi na sila mabubulag sa galing ng artista.

ANO

BIGYAN

ESTRADA

IPAUNAWA

ISA

JOSE VILARDE

KALINGAIN

KAPAG

PRESIDENT ESTRADA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with