Ngunit sa kasong ito ng grupo ng mga empleyado sa isang printing press ipinatupad ng Korte ang hiniling nilang bonus. Tingnan natin kung bakit.
Sa nakaraang tatlong taon, binibigyan ng kompanya ng bonus ang mga empleado ng printing press dahil kumikita naman ang negosyo. Sa ika-apat na taon, kumita rin ang kompanya ng P600,000 at inilaan na ang P90,000 para sa bonus.
Ngunit nagkataon naman na sa taong nabanggit, nagkaroon ng strike sa kompanya. Kahit na napasyahan na ng hukuman na legal ang pagwewelga, hindi malimutan ng kompanya ang ginawang welga ng mga empleado kaya binimbin ang pagbibigay ng bonus. Sabi ng kompanya, kundi raw dahil sa strike mas malaki pa sana ang kinita. Tama ba ang kompanya?
Mali. Bagamat hindi nga maaaring sapilitang ipatupad at ipautos bilang isang obligasyon ng kompanya ang pagbibigay ng bonus, makatarungan at makatwiran lang batay sa mga pangyayari sa kasong ito na bigyan ang mga empleado ng bonus. Sa katunayan nga, itoy ginagawa na ng kompanya sa tatlong taong nakaraan at sa taong kasalukuyan. May nakalaan na silang halaga para rito. Kapag nagbibigay na ng bonus sa loob ng maraming taon, maaaring ipakahulugang itoy bahagi na ng suweldo ng mga empleado. Sa kasong ito, ang welga ay hindi maaaring gamiting dahilan sa pagkakait ng bonus. (Phil. Education vs. CIR 92 SCRA 381).