Dapat pa bang ipagdiwang ang EDSA Uno at Dos?

ISANG araw na naman ang nasayang sa buhay ng mga Pilipino kahapon sapagkat idineklarang holiday upang gunitain ang ika-16 na anibersaryo ng EDSA Uno. Bakit kailangan pang maging holiday samantalang inihayag naman ni President Gloria Macapagal-Arroyo na ipagdiriwang ito ng tahimik at simple lamang.

Dahil walang trabaho kahapon, ilang milyong piso kaya ang nalugi sa mga negosyo. Ilang milyong mamamayan kaya ang hindi kumita ng pera? Malaki ang naging epekto ng bakasyon sa makinarya ng ating pamahalaan na disin sana ay magiging kapakinabangan sa pangangailangan ng taumbayan.

Ang hangarin ba ng pamahalaan kaya hindi pinapasok ang mga manggagawa ay sapagkat inaasahan nilang dadalo ang mga ito sa pagdiriwang sa EDSA. Ang kailangan ba nila ay mga taga-palakpak at mga cheerleaders?

Okey lang sa akin na gunitain ang EDSA Uno at Dos sa pamamagitan ng indibidwal na pananalangin. OA na ang gawing malakihan at malawakang pagtitipon-tipon. Ganito na lang sana ang ginawa nila at hindi niyaya ang mga tao na tinatampukan ng mga pangunahing lider at personalidad ng Edsa Uno upang makinig lamang sa kanilang nakasasawang talumpati.

Ang mga tanong: Mayroon bang nangyaring magandang pagbabago sa ating bansa ngayon? Nagkakasundu-sundo na ba at nagkakaisa na ang mga Pilipino ngayon sa ikabubuti ng ating bansa? Ang pinananaig ba ng mga lider ng ating pamahalaan ay ang kapakanan ng ating bansa at hindi ang kanilang personal na interes? Nabawasan na ba ang graft and corruption? May kapararakan ba ang dinanas nating hirap at sakripisyo sa EDSA Uno at Dos?

Show comments