Pagkaraan ng 16 na taon, mahirap pa rin ang buhay ng maraming Pinoy. Mas matindi sapagkat kapiling na rin ngayon ng mga Marcos ang nakararaming Pinoy. Ilan sa mga nakikapit-bisig sa EDSA ay inihalal pa sila. Si dating First Lady Imelda Marcos ay kahalubilo na nang nakararami. Ang tatak ng kanyang karangyaan ay nakikita: alahas na kumikinang at marangyang kasuutan.
Mabagal ang pag-usad ng kaso ng mga Marcos tungkol sa mga kulimbat na yaman. Marami ang naghihintay lalo na ang mga biktima ng karapatang pantao. Pinalalabo ang kaso dahil sa mga kakatwang desisyon ng Sandiganbayan. Ni-reject kamakailan ng Sandiganbayan ang claim ng gobyerno sa $659.7 million ni Marcos na kasalukuyang nakabimbin in escrow sa Philippine National Bank. Sinisisi pa ng Sandiganbayan ang gobyerno sapagkat walang maipakitang ebidensiya na ang pera ay sa mga Marcos nga.
Ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) naman ay wala ring magawa sa kulimbat na yaman. Kung sinu-sino na ang namuno sa PCGG subalit ang kaso ng mga Marcos ay tinubuan na ng lumot. Walang makapagsabi kung hanggang saan aabot ang kaso dahil sa mga pabagu-bagong desisyon at kalambutan naman ng gobyerno.
Humihingi ng pagbabago ang taumbayan kaya nagtagumpay ang EDSA Uno. Dahil sa matinding paghahangad na mabago ang bansa ay hindi kinatakutan ang kamatayan sa pagharap sa tangke at mga sundalo. Subalit wala rin pala ang pagsisikap sapagkat nananatili ang paghihirap at ang mga pangakoy hindi natutupad. Mula Pebrero 1986 hanggang ngayon ay apat na Presidente na ang namuno sa mga Pilipino subalit ang pangarap na pag-angat sa kalagayan at pagtakas sa kahirapan ay wala pa ring katuparan. Wala pa ring bunga ang pagkakaisa at pagsasama-sama. Hilaw ang kalayaan sa kahirapan samantalang marami ang nagpapasasa sa yaman. Hanggat namamayani ang kahirapan, patuloy itong isisigaw sa mga susunod pang anibersaryo ng EDSA Uno.