Lumpong Erap, sagutin ng Arroyo administration

KINAPANAYAM kahapon ng ANC TV si dating Presidente Estrada at patuloy pa rin ang paninikluhod niya sa pamahalaan na payagan na siyang magtungo sa Amerika para sa kanyang delikadong knee surgery.

Tiniyak niya na siya’y hindi magtatago sa US, at wala siyang rason na gawin ito dahil hindi niya maaaring iwanan ang kanyang "minamahal" na ina na sa edad na 97 anyos ay baka nga naman hindi na magtagal sa daigdig na ito.

Sa kainitan ng impeachment trial laban kay Estrada noon, katakut-takot na batikos ang tinanggap natin sa pahayagang ito komo we were perceived to be too biased against the then President. Pero hindi. Ang amin ay paninindigan lang sa inaakala naming tama.

Pero iba ang situwasyon ngayon at mananatili akong titindig sa inaakala kong tama. For both humanitarian and political reasons, dapat payagan ang kahilingan ng da-ting Pangulo. Ito’y paksang sinimulan ko kamakailan at gusto kong ituloy ngayon.

Nasabi ko noon na lalung nagmumukhang kontrabida ang administrasyong Arroyo habang pinipigil ang paglisan sa bansa ni Estrada, and I maintain that line of thinking. Kaya kung papayagang lumabas ng bansa si Estrada, papayapa ang tensyong political sa bansa.

Bagamat sinasabing "hands-off" ang Pangulo sa usaping ito at ipinauubaya niya ang desisyon sa Sandiganbayan, may mga impluwensyal na opisyal sa kanyang tabi na tila ibig salansanin ang resolusyong pinagtibay na ng 19 na Senador at 128 Kongresista na nagtutulak sa pagpapagamot ni Estrada sa Amerika.

Sinasabi nina Vice President Tito Guingona at Justice Secretary Nani Perez na maraming kuwalipikadong doktor sa bansa na kayang gawin ang sensitibong operasyon.

May sertipikasyon na umano ang doktor ni Estrada sa Amerika na si Christopher Mow na nagsasabing sa Amerika lang naroroon ang mga makabagong state-of-the-art equipment na dapat gamitin sa operasyon sa malalang osteoarthritis ng dating Pangulo.

Sasabihin marahil ng iba, puwedeng dalhin sa bansa ang mga kasangkapang ito pati na ang doktor na dapat magsagawa ng operasyon.

Puwede nga siguro. Pero sa panayam kay Estrada sa TV, sinabi niya na pagkatapos ng operasyon, kailangang obserbahan siya ng personal ng siruhanong umopera sa kanya sa loob ng at least "4 na buwan." Magagambala nga naman ang ibang gawain ng doktor sa Amerika habang nakatuon lang ang atensyon niya kay Estrada dito sa Pilipinas.

Pero isaisantabi natin ang katuwiran ni Estrada. Ang mahalagang tingnan ay ang political implication ng patuloy na pagbitin sa kanyang kahilingan.

Deteriorating
ang kalagayan ng tuhod ni Estrada at kapag tuluyan siyang nalumpo dahil ayaw siyang pagbigyan ng gobyerno, the administration will be perceived as the villain by the people.

Di dapat mangyari ito dahil sa panahong ito ng maraming pagsubok, lalung kailangan ng administrasyon ang kredibilidad at suporta ng taumbayan.


Tutal mula apat hanggang anim na buwan lang siyang mawawala at pinayagan naman ng Sandiganbayan na hindi kailangan ang personal appearance niya sa trial ng plunder case niya, bakit di pa siya payagan?

Sa ngayon, ang pobreng Erap ay nanikluhod. Huwag nang hintaying hindi na siya makaluhod porke wala na siyang tuhod.

Show comments