Trabaho kung Linggo

ANG isang malaking pabrika ay nagpapatrabaho ng 24 oras na tuloy-tuloy mula alas siyete ng umaga hanggang alas siyete ng umaga kinabukasan sa kanilang mga empleyado. Upang makatupad sa "Eight Hour Labor Law," nagkasundo ang kompanya at mga manggagawa na hatiin ang trabaho sa tatlong bahagi: Mula alas siyete ng umaga hanggang alas tres ng hapon; mula alas tres ng hapon hanggang alas onse ng gabi; mula alas onse ng gabi hanggang alas siyete ng umaga kinabukasan. Isa sa mga napagkasunduan ay kapag natapat sa araw ng linggo o pista opisyal ang trabaho, babayaran ng 50 porsiyentong karagdagan ang mga empleyado.

Marami ngang pagkakataon na ang mga empleyado ay nagsisimula ng Sabado, alas onse ng gabi at natatapos ng linggo ng alas siyete ng umaga. Mayroon din nagsisimula ng alas onse ng gabi ng ordinaryong araw at natatapos ng alas siyete kinabukasan na pista opisyal. Ngunit sa loob ng nakaraan na anim na taon, ang mga empleyadong nagtatrabaho sa nasabing turno ay sumang-ayon at hindi sumingil ng karagdagang bayad ayon sa kasunduan. Noong mapag-alaman ito ng unyon, dumulog ito sa Korte upang hingin sa kompanya ang karagdagang bayad mula 12:01 ng umaga hanggang alas-siyete ng umaga tuwing ito’y bumabagsak ng linggo o pistal opisyal.

Sabi naman ng kompanya, ang kasunduan daw ay beinte kuwatro oras mula alas siyete ng umaga hanggang alas siyete ng umaga kinabukasan kaya’t ‘yung natapat sa pagitan ng 12:01 ng umaga hanggang alas siyete ng umaga ng linggo ay bahagi pa ng trabaho ng Sabado, at ito’y walang karagdagang bayad. Bukod dito, kung may karagdagang bayad man, ito’y 25 porsiyento lang ayon sa batas at di 50 porsiyento. Tama ba ang kompanya?

Mali.
Ang napagkasunduan ay hatiin ang 24 oras sa tatlong turno. Ang ikatlong turno ay mula alas onse ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga kinabukasan. Hindi napagkasunduan na ito’y babayaran ng ordinaryong suweldo kapag ang nasabing oras ng pagtatrabaho ay natapat sa linggo o pista opisyal. Sa totoo lang, hindi na dapat pagkasunduan ito sapagkat may batas na tungkol dito. At kahit pa sinabi ng batas na ang bayad sa mga empleyado ay 25 porsiyento lamang, nakipagkasundo naman ang kompanya na magbayad ng 50 porsiyento. Dapat tumupad ang kompanya sa kasunduang ito sa kabila ng sinasaad ng batas na 25 porsiyento lang ang karagdagang bayad. (PMC vs Bisig 6 SCRA 119).

Show comments