Ang Bantay Kapwa ay sumasaludo sa mga miyembro ng Counter Intelligence Special Unit ng National Capital Region sa ginawa nitong pagbuwag sa mga aktibidad ng ilang tiwaling barangay tanod sa Bgy.120 ng Caloocan City na pinamumunuan ni Chairman Rodolfo Pagaran.
Kamakailan, dalawang barangay tanod ang nahuli sa akto habang gumagawa ng katiwalian. Maraming residente sa naturang barangay ang nabiktima ng pananakit at pangongotong ng dalawang barangay tanod. Ang mga barangay tanod ay nakilalang sina Camilo Sapinsoco at Ariel Cunanan. Napag-alaman na ang mga nabanggit na tanod ang nagmamantine ng mga saklaan sa nabanggit na barangay.
Inamin naman ng hepe ng barangay na sangkot nga sa saklaan ang mga tanod dahil gusto nilang madagdagan ang kita. Ang operasyon kayang ito ng mga abusadong opisyal ng barangay ay alam na ni Caloocan City Mayor Rey Malonzo?
Hindi lamang sa Caloocan may mga abusadong barangay officials kundi sa buong Pilipinas man. Umaksiyon sana nang mabilis ang DILG sa pagsugpo sa masamang gawain ng mga barangay officials.