Sinabihan noon ni President Gloria Macapagal-Arroyo si Secretary Perez na gumawa ng paraan para malutas ang kaso ni Edgar. Kaharap pa ako gayundin sina Edcel Bentain, kapatid ni Edgar; Lauro Vizconde at Atty. Argee Guevarra nang atasan ni GMA si Perez.
Nabuhayan ng loob ang Bentain family sa paglutang ni Angelo "Ador" Mawanay at nagpahayag ng kanyang nalalaman ukol sa pagdukot at pagkawala ni Edgar. Itinuro ni Mawanay si dating PAOCTF Chief at ngayoy senador Panfilo Lacson na nag-utos umano sa pagdukot at pagpatay kay Edgar. May kaugnayan umano ang pagdukot sa pagpapalabas ng videotape ni Erap. Lumutang din si Dani Devdani, isang Indian national at nagsabing si Atong Ang at Butch Tenorio ang may kinalaman sa pagkawala ni Edgar.
Wala na ba talagang kalutasan ang kaso ni Edgar? Hanggang kailan maghihintay at aasa ang kanyang pamilya? Tinatawagan ko ang mga kinauukulan na lutasin ang kasong ito upang magkaroon na ng katarungan.