Ang pangangalaga sa puso ay binigyang-diin ni Dr. Joselito L. Atabog, isang cardiologist na may klinika sa UST Hospital at Capitol Medical Center.
Sinabi ni Dr. Atabog na kapag nakaramdam ng paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga at sobrang paghingal, kumunsulta agad sa doktor. Hindi dapat ipagwalambahala ang kondisyon ng puso. Kapag mabigat ang dibdib at patuloy at mabilis ang palpitation, itoy mga palatandaan na hindi normal ang heart condition at maaaring humantong sa atake sa puso. Pangunahing sanhi rin ang pagkabara ng ugat o ang tinatawag na atherosclerosis. Dapat na matuklasan kung may problema ang balbula ng puso na sanhi ng rheumatic heart disease. Dapat ding mabatid kung ang pasyente ay may alta-presyon at diabetes na mga related causes sa sakit sa puso.
Ayon pa kay Dr. Atabog, ang chest pain at discomfort ang sinasabing most common symptoms of heart attack. Agad na isinasagawa ang basic physical examination gaya ng pagkuha ng blood pressure, temperature at pulse rate. Maaari ring isailalim ang pasyente sa electrocardiogram (ECG). Binigyang-diin ni Dr. Atabog na sobrang pinsala sa puso ang dulot ng paninigarilyo, sobrang pag-inom ng alak at stress.