Tiyak na magiging mabili na naman ang roses na inihahandog ng binata o nagkukunwaring binata sa kanyang nililiyag. Bukod sa bulaklak, nagpapadala rin ang binata ng Valentines card na naglalaman ng matatamis na pananalita.
Bukas ay maraming magsiyota ang magde-date. Kakain sila sa restawran o sa turu-turo depende sa budget nila at para sa mga sosyal meron silang dinner by candlelight sa 5-star hotel. May mga magdo-double-date. May manonood ng sine at tapos ay biglang liko sa motel para lubusang damahin ang init sa magdamag.
Sa puntong ito ay nananaig sa akin ang pagiging ina. Muli kong pinaaalalahanan ang mga kadalagahan na huwag ganap na magtiwala sa tamis ng dila ng nobyo. May mga kaso na kapag matapos makuha ng lalaki ang hangad sa babae, iniiwan na. Masuwerte ang mga babae kung matigas ang paninindigan ng kanyang nobyo at handa siyang pakasalan. Itoy isang sugal, lalo na sa kababaihan.