Sinabi ng mga pulis na nakausap ko na si Berroya pala ang ginamit ni Zuñiga para kausapin si Supt. Boogie Mendoza, provincial director ng Pangasinan, para makapasok ang negosyo niyang jueteng sa District 4, 5 at 6 ng probinsiya ni House Speaker Jose de Venecia. Aba, sino ba ang tatanggi ke Berroya eh nababanggit ang pangalan niyan bilang kandidato sa babakantehing posisyon ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Larry Mendoza? Ang bigat ni Zuñiga no?
At hindi lang pala sa Muntinlupa namamayagpag itong si Zuñiga kundi pati na umano sa Laguna, Cavite, Las Piñas at Parañaque. Mukhang malakihan na si Zuñiga, di ba Metro Manila police chief Director Edgar Aglipay?
Ayon sa mga nakausap kong pulis, ito palang si Zuñiga ang kapitalista ng jueteng sa Dasmariñas, Imus at Bacoor sa Cavite at Calamba, Sta. Rosa at San Pedro Laguna. Malaki na rin pala ang sakop ng kalawakan nitong si Zuñiga ano Chief Supt. Doming Reyes, hepe ng PRO 4? Kung hindi kaya ni Aglipay na pahintuin itong si Zuñiga, mukhang ganoon na rin si Reyes. Magkano ba mga Sirs? Nagmukhang lampa kay Zuñiga itong sina Aglipay at Reyes, di ba mga suki? Ano ba yan? Takot din kaya itong si Aglipay at Reyes ke Berroya? He-he-he! Tanong lang.
Kaya ko sinabing lampa itong si Aglipay ke Zuñiga dahil isang linggo ko nang ibinulgar ang jueteng operation niya subalit wala pang nahuhuli ang mga bataan niya, lalo na ang hepe ng pulisya ng Muntinlupa. Kung magkaroon man ng raid, tingin ko panay hingi-huli" na lang ang mangyayari dahil, ayon sa mga nakausap kong pulis, magaling makipagrelasyon si Zuñiga.
Napatunayan yan ng isang retiradong pulis na kolektor ng lingguhang intelihensiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga gambling lords sa probinsiya. Makikita mo siya palagi General Mendoza sa Classmate nightclub sa Quezon City. Aba dapat magposte ng tauhan si Mendoza doon para mahuli itong retiradong pulis, di ba mga suki?
Kapag naaresto na ni Mendoza itong retiradong pulis, baka maniwala ang sambayanan na hindi niya kinukunsinti ang jueteng operations. Habang abala pa ang pulisya sa kaiisip kung ano ang gagawin nilang drama ke Zuñiga, ang jueteng operations naman niya ay dahan-dahang lumalago. Kung sabagay, maraming opisyal ng ating pulisya sa ngayon ay naiulat na malabo na ang mga mata. Hindi sa pag- tatrabaho, kundi sa pagbilang ng tinatanggap nilang weekly payola.