Mahirap tanggapin ang katwiran ng SSS na kung hindi mag-iincrease ng monthly contributions, maaaring malusaw ang ahensiya sa 2015. Sa takbo ng pangyayari, ang pag-iincrease ang pinaka-ultimong remedyong naiisip ng SSS upang mapanatili itong nakatayo. Sinabi ni SSS president Corazon de la Paz na ang huling increase sa premium payments ay noon pang 1980. At sa kabila na mahabang panahon na hindi nag-iincrease, ang pagbibigay ng benipisyo sa mga miyembro ay tumaas naman. Ayon kay De la Paz, mula noong 1990, sampung beses tumaas ang benepisyo ng mga members. Sinabi rin naman ni De la Paz na ang pagtataas ng contributions ay plano pa lamang.
Sino bang miyembro ang papayag na magdagdag sa contributions? Sa aming paniwala, maraming aangal sa balak ng SSS. Lalo pa nga at ang SSS ay nasangkot sa pangalan ni dating President Estrada na ngayon ay nakakulong dahil sa maraming kaso ng pandarambong. Iisa ang iisipin ng mga miyembro, magdaragdag ng contributions para kulimbatin lamang. Hindi na oy!
Isa sa magandang magagawa ng SSS ay bawasan ang malalaking suweldo ng mga opisyal ng ahensiya para makatipid. Noong nakaraang taon, nagkaroon ng kaguluhan sa SSS nang sapilitang pababain ang dating president nito na si Vitaliano Nañagas sapagkat hindi raw magandang mamuno ayon sa mga empleado. Sari-saring alimuom na kaya pinilit mag-resign si Nañagas ay sapagkat iniimbestigahan niya ang anomalya na kinasasangkutan ng mga matataas na SSS officials. Ang mga opisyales umanong iyon ang sumusuweldo nang malaki.
Sa halip na ang mga miyembro ang pigain bakit hindi muna magkaroon ng pagbabago o paglilinis sa sariling bakuran. Kapag naayos ang mga "mali" saka pag-usapan ang increase ng contributions.