Bilang superbisor, hindi makaalis si Mang Gerardo sa lugar ng pagtatrabaho at hindi rin niya maipaubaya sa iba ang kanyang tungkulin. Kaya wala siyang takdang oras ng pagtatrabaho. Kadalasan lagi siyang ginagabi at naghihintay ng utos simula sa manager. May kapangyarihan din siyang maghirang at magtanggol ng mga estibadores.
Matapos makapagserbisyo ng 31 taon at kahit walang bahid ang kanyang panunungkulan, bigla siyang nakatanggap ng sulat mula sa kompanya na nagsasaad na hindi na kailangan ang kanyang serbisyo.
Kaya nagsampa siya ng kaso at hiniling na ibalik siya sa trabaho, bayaran ng kaukulang suweldo pati na ang overtime. Bilang sagot, sinabi ng kompanya na hindi maaring hilingin ni Mang Gerardo na ibalik siya sa trabaho. Maaari lang siyang bayaran ng separation pay sa ilalim ng Termination Pay Law. Wala rin siyang karapatan sa overtime dahil kabilang na raw siya sa pamahalaan ng kompanya. Tama ba ang kompanya?
Mali. Ang Termination Pay Law ay para lang sa mga empleyadong walang tiyak at malinaw ng panahong panunungkulan. Sa kasong ito kung saan si Mang Gerardo ay nagserbisyo ng tapat sa loob ng isang henerasyon, ang kanyang panunungkulan ay hindi masasabing walang malinaw na takdang panahon upang pahintulutan ang pagtatanggal sa kanya ng walang dahilan. Kahit siyay isang supervisor na at may kapangyarihan humirang at magtanggol ng mga estibadores, hindi masasabing bahagi na siya ng pamahalaan sa kompanya. Ang trabaho niyay karaniwang gawain ng pangangasiwa sa mga estibadores at hindi nangangailangan ng paggamit ng sariling pagpasya. Kaya dapat din siyang bayaran ng overtime (Luzon Stevedoring vs CIR 61 SCRA 154).