Ang kaso ng 'syrup man'

Si Miguel ay natanggap sa isang soft drinks company bilang "syrup man". Nagsimula siyang magtrabaho noong Disyembre 1977. Ang trabaho niya’y may takdang panahong anim na buwang pagsubok. Sinisuwelduhan na siya bagamat ang pangalan niya’y nasama lang sa payroll noong February 17, 1978.

Noong August 17, 1978, sinabihan siyang magpa-medical para maging regular na empleyado na siya. Bago lumabas ang resulta ng medical examination, patuloy pa rin siyang nagtatrabaho. Ngunit noong August 21, 1978 siya’y tinanggal dahil ayon sa medical examination meron siyang sakit na "PTB minimal".

Kinuwestiyon ni Miguel ang pagkatanggal sa kanya. Hindi na raw siya puwedeng basta alisin sa trabaho dahil regular na siya. Ayon naman sa kompanya, nasa takdang pagsubok pa rin ang pagtatrabaho niya kaya siya’y maaaring patalsikin nang walang dahilan. Bukod dito, ang karamdaman daw niya’y makakaapekto sa kalusugan ng publiko dahil humahawak ng mga panangkap ng soft drinks. Tama ba ang kompanya?

Mali.
Dapat ibalik si Miguel sa trabaho. Nagsimula siyang magtrabaho noong Disyembre 1977 kaya nang tinanggal siya noong Aogosto 21, 1978, tapos na ang anim na buwang pagsubok. Ang empleyadong hinayaang magtrabaho pagkaraan ng anim na buwang pagsubok ay regular na.

Ang katwiran ng kompanya na hinihintay nila ang resulta ng medical ay hindi matatanggap. May anim na buwan silang dapat gawin ang examination ngunit pinili niyang maghintay hanggang huling araw. Malinaw na may balak silang magpalusot. Ang mga maliit na manggagawa ay dapat tulungan ng batas dahil sila’y nasa ilalim ng makapangyarihang pinaglilingkuran. (Cebu Royal Plant vs. Deputy Ministry of Labor 153 SCRA 38)

Show comments