Hindi bago si Billy sa Customs. Kinober ko siya noong hepe pa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS). Nakita ko kasi kung paano niyang sagasaan ang mga bigtime smuggler sa Aduana noong panahon ni dating Prez Cory Aquino.
Kilala kong personal si Billy. Nakasama rin ako ng grupo ng kumandidato ito sa Makati. Hindi sinuwerte sa pulitika si Billy kaya mula noon ay hindi na kami nagkita.
Muling nagkasalubong ang landas namin ni Billy noong panahon ni Prez Erap. Nagkita kami sa tanggapan ng Economic Intelligence and Investigation Brokerage, este mali, Bureau pala sa Quezon City.
Nagulat na lamang ako ng kasagsagan ng EDSA 2, nabalitaan ko kasing isa si Billy sa nagbigay ng suporta kay Prez Gloria. Halos buong buhay nito ay binuhos kay GMA para mabigyan ng proteksiyon ang ale.
Ngayong maganda ang punto ni Billy para sa gobyerno upang maiwasan ang lumalalang problema ng rice smuggling sa bansa. Pinayuhan niya ang gobyerno para matigil ang rice smuggling. Ipamigay ang mga nahuling bigas sa lahat ng mga mababang empleado ng gobyerno tulad ng pulis, magwawalis sa kalye, barangay, etcetera. Para mapakinabangan at hindi na mabalik sa kamay ng buwitreng sindikato na pumapatay sa mga magbibigas. Huwag nang patagalin sa mga bodega para hindi mabulok ang bigas at makain ng tao at hindi hayop.
Gusto ni Billy na bigyan ng porsiyento ang mga awtoridad na huhuli para ganahan sa pagsungkit sa illegal shipments ng mga smuggler. Payag ako sa punto ni Bibit kaya lang may problema sa reward system, tinanggal na ito ng gobyerno.
Ngayon ay may bangayan sa pagitan ni Billy at Customs Commissioner Titus Villanueva. Pinalilipat kasi ni Villanueva si Billy sa Clark Customshouse porke si Ping Lacson, este mali, Ping Bartolome ang gustong ipalit. Kung anuman pulitika meron dito iyan ang hindi ko alam.
Ayos naman si Billy, bakit iniintriga?" tanong ng kuwagong naghuhukay ng kanyang sariling libingan.
Basta legal ang trabaho mo sa Customs at ayaw mo sa kagaguhan sisirain ka para masibak, sagot ng kuwagong Kotong Cop.
Alam mo naman, ang mga shipments na legal ay mas mahirap ilabas kaysa illegal kasi sa bureau split seconds lang puslit na ang huli. Sabi ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Mas okey si Billy sa Subic, minimize ang mga mangongotong kasi takot dito?
Bakit?
May paglalagyan sila kay Billy.
Saan?
Bibitbitin sila ni Bibit kapag nabuwisit sa kanila.
Eh, paano ang Korte, Di ba may kaso si Billy, pinasisibak ito sa Subic?
Iyong decision ng Korte ang hintayin natin okey!