Ni-reject ng Sandiganbayan ang claim ng gobyerno sa kayamanan ni Marcos na kasalukuyang nakabimbin in escrow sa Philippine National Bank. Ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay wala rin namang magawa at tila sunud-sunuran kung ano ang maging desisyon ng Sandiganbayan. Sinabi noong Biyernes ng Sandiganbayan na "walang katibayan na ang perang en scrow mula sa Swiss bank ay pag-aari nga ng mga Marcos." Ang PCGG pa ngayon ang tila sinisi ng Sandiganbayan sapagkat nabigo umanong iharap ang "aunthenticated translations" ng rulings ng Swiss Federal Court na nagdedeklarang ang pera ay sa mga Marcos nga.
Mahirap ngang makakita ng liwanag sa mga kasong hinahawakan ng Sandiganbayan lalo pa nga at kung anu-anong kontrobersiya ang nakabalot. Nagbangayan sina Garchitorena at Justice Anacleto Badoy hinggil sa isyu ng paghawak sa kasong plunder ni dating President Estrada. Nagkakampu-kampo pa sila at nagkagatan. Kasunod niyoy sinuspinde naman ng Korte Suprema si Garchitorena dahil sa mga kasong natatambak at hindi nadedesisyunan.
Ang gobyerno sa pamamagitan ng PCGG ay hindi dapat magpahinay-hinay o maging malambot sa paghabol sa ill-gotten wealth ng mga Marcos. Kapag walang nangyari sa matagal nang ipinaglalabang kinurakot na yaman, mapagbibintangan pa ang gobyerno na nagsasawalang-kibo hanggang sa mawalan nang tuluyan ang kaso. Paano naman ang taumbayan na siyang tunay na ninakawan. Paano naman ang mga nabiktima ng pang-aabuso at nawalan ng dangal?