^

PSN Opinyon

Sino ang tunay na maliligaya?

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, ibinibigay sa atin ni Mateo ang tinatawag na mga Beatitudes o ang mga Mapapalad. Bawat isa sa atin ay naghahangad ng kaligayahan. Si Jesus ay naparito upang tulungan tayong makamtan ang kaligayahan o katiwasayang ito. Tinutulungan niya tayo sa pamamagitan nang pagsabi sa atin kung ano ang bumubuo sa tunay na kaligayahan. Ang tunay na maligaya ay hindi mayaman. Ni hindi rin ang mga makapangyarihan. Hindi rin ang mga henyo. At hindi rin ang mga kilala. Datapwat ang maliligaya ay yaong mga mahihirap, mapagkumbaba, matuwid, maawain at mga nagtataguyod ng kapayapaan.

Narito ang siyam na mga Beautitudes. (Mt. 5:1-12).

‘‘Nang makita ni Jesus ang napakakapal na tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:

‘‘Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang mga ipinangako ng Diyos. Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi. Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya. Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.

‘‘Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayon din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.’’


Bibigyan natin ng komentaryo ang apat sa mga Beatitudes; ang mahirap, ang mga nahahapis, ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos at yaong mga inuusig. Ang naunang tatlo ay hindi tumutukoy sa tatlong uri ng pangkat ng mga tao. Datapwat sila’y nabanggit bilang tatlong halimbawa ng uri ng mga tao na aba at naaapi. Hindi sila mapalad dahilan sa kanilang katangian, subalit sinasabi ni Jesus na sila’y mapalad sapagkat ang Diyos ay nasa panig nila. Kay Jesus nakikita nila ang kanilang tunay na kahalagahan at dangal. Nakasisiguro na sila sa kanilang kalalagyan sa kaharian o paghahari ng Diyos.

Si Jesus ang konkretong halimbawa ng taong mahirap o aba. Siya ay inapi o inalipusta. Siya’y inusig. Kahiya-hiya ang naging kamatayan niya sa krus.

Natatandaan n’yo ba si Ninoy Aquino? Nang siya’y mabilanggo, nagreklamo siya laban sa Diyos. Bakit ganoon ang pagtrato sa kanya? Subalit sa isa sa mga sandali nang kanyang malalim na pananalangin, natanto niya kung gaano kahirap at gaanong pinasakitan si Jesus sa krus. Nais ni Ninoy na tularan si Jesus. Namatay siyang aba sa tarmac ng airport. Ngayo’y nagtatamasa siya ng walang hanggang kaligayahan at katiwasayan sa piling ni Jesus.

vuukle comment

DATAPWAT

DIYOS

JESUS

KAY JESUS

MAPALAD

NANG

SAPAGKAT

SI JESUS

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with