Ang nagsusulong para muling buksan at pagdebatehan ang pagkakaroon ng ID ay ang Senate committee on constitutional amendments na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara. Lumikha na si Angara ng technical group para magkaroon ng public hearing sa kontrobersiyal na isyu. Ang ID system na orihinal na inintroduced ni opposition Sen. Rodolfo Biazon sa ilalim ng Senate Bill 793 ay magre-require sa lahat ng Pilipino na mag-apply ng national ID sa kanilang local civil registrar.
Pangunahing dahilan kung bakit inilalatag ang pagkakaroon ng ID ay ang mabilis na pagsugpo sa kriminalidad at katiwalian. Ganoon din para maging malinis ang election. Sa kabilang dako, ang mga bumabatikos sa ID system ay natatakot na ang pagkakaroon nito ay magiging mitsa ng pang-aabuso at pakikialaman ang pribadong pamumuhay.
Ang muling pagbuhay sa kontrobersiyal na ID ay nataon naman sa paglaganap ng terorismo. Ang Arroyo administration na kadaraos lamang ng unang taon noong January 20 ay pinahirapan nang napakaraming kaso ng kidnapping, carnapping, bank robberies at talamak na drug trafficking.
Dahil sa lumalalang kidnapping na isinasagawa ng Abu Sayyaf ay bumagsak ang turismo ng bansa at ngayoy kailangan pang hingin ang tulong ng Amerika para pulbusin ang mga bandido. Hindi lamang Amerika ang hiningan ng tulong ni GMA kundi pati ang Great Britain na dinalaw niya noong nakaraang linggo.
Hindi madali ang muling pagbuhay sa ID system at inaasahang muli na naman itong babagyuhin ng batikos. Maaaring lulutang na gagamitin ito sa pang-aabuso. Nararapat na pag-aralan ng mga mambabatas kung paano ito tatanggapin ng mga kumukontra. Ipaliwanag na mabuti. Hindi dapat maging hilaw na hahantong sa muling pagbabasura.
Ipabatid na walang dapat ikatakot sa pagkakaroon ng ID at ang natatakot lamang ay yung mga may itinatago. Anut anuman, ang muling pagbuhay sa ID system ay maaaring ilatag ng mga nagsusulong para pag-usapan lalo ngayong marami ang naliligalig sa paglubha ng kriminalidad.