Talinghaga ng binhi

Gumamit si Jesus ng mga talinghaga upang ipaliwanag ang kahulugan ng paghahari ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, ang talinghaga ng binhi ang nabanggit. Inihalintulad ang paghahari ng Diyos sa isang binhi. Ang mga binhi ay itinanim sa iba’t ibang uri ng lupa. Ngunit sa iisang uri ng lupa lamang ito sumibol. At ito’y namunga nang husto.

Isinalaysay sa atin ni Marko ang naturang talinghaga (Mk. 4:1-20).

‘‘Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinghaga. Ganito ang sabi niya: ‘Pakinggan ninyo ito! May isang magsasaka na lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa at ito’y tumubo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu at tig-sasandaan ang butil.’ Sinabi pa ni Jesus, ‘Ang may pandinig ay makinig.’’

‘‘Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, ‘Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t, ‘‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita. At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa. Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’’

‘‘Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, ‘Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: Pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng mga napahasik sa kabatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: Pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan.’’


Sinasabi sa atin ni Jesus na ang mga tao’y parang mga iba’t ibang lupa. At sa interpretasyon, may paliwanag na naibigay. Tanging sa huling uri ng lupa lamang namunga ng marami ang binhi.

Para sa atin na nakarinig ng Ebanghelyo makalipas ang dalawang libong taon, ang kapakipakinabang na dapat nating itanong sa ating mga sarili ay: ‘‘Anong uri ng lupa ang aking puso? Kapag naririnig ko na nais ng Diyos na maghari sa aking puso at sa aking buhay, handa ko bang tanggapin ito? O marami akong dahilan ng ibinibigay? Mas handa ba akong makinig kay Satanas o kay Jesus? Nagpupunyagi ba ako sa harap ng mga pagpapahirap? Ang paghahangad ba sa kayamanan ay nangingibabaw ba laban sa aking pagpili sa paghahari ng Diyos?’’

Ang mga talinghaga ay naglalayong makatulong sa atin sa ating pagsasagawa ng mga kritikal na pagpili.

Show comments