Ayon kay Dr. Grace Palacio-Beltran, dermatologist ng St. Lukes Medical Center, dapat na magpahid ng sunblock sa mukha, braso at binti at likuran ang sinumang magsu-swimming o magsa-sunbathing. Ilagay aniya ang sunblock 30 minuto bago magbilad sa araw at maglagay muli 30 minuto matapos ang pagbibilad. Kapag buong araw na nagbilad sa araw, dapat na mag-apply ng sunblock sa bawat dalawang oras.
Ipinayo ni Dr. Beltran na magsumbrero o magsuot ng wide-brimmed hat kapag nasa beach. Gumamit din aniya ng tamang damit. Hanggat maaari ay naka-long sleeves para maiwasan ang sobrang init.
Sa mga may swimming pool, ipinayo niya na lagyan ito ng bubong at ganoon din naman ang mga tennis court. Ang pagba-basketball ay dapat gawin sa covered areas.
Mahigpit na ipinayo ni Dr. Beltran na huwag kakamutin ang mga nunal upang hindi maging malignant. Huwag ding papahiran ng kung anu-anong kemikal ang mga nunal. Ang pagsunog sa nunal, ayon kay Dr. Beltran ay masama.
Ayon kay Dr. Beltran, ang melanoma at squamous cell ang malubhang klase ng kanser sa balat sapagkat madali itong kumalat. Sinabi pa rin ni Dr. Beltran na kapag may sugat na hindi gumagaling, at lalong lumalaki o dumudugo kapag kinakamot ay dapat nang ikunsulta sa doktor upang maagapan sa lalong madaling panahon.