Mag-umpisa sa mayroon na

Dahil kay Mang Asiong, kaya ang Bankong Pang-nayon ay umunlad at nagtagumpay. Ito ay dahil sa gawi ni Mang Asiong. Hinahabol niya ang lahat ng may utang sa Bankong Pang-nayon. Tuwing araw ng tiyangge sa bayan ay naroon si Mang Asiong na dala ang resibo. Basta nagtinda ng gulay o prutas ang sinuman, naroon na siya at inaawas ang kailangang ibayad sa utang.

Kararating lang ni Mang Asiong mula sa bayan nang magpakita kami sa harap ng kanyang bahay.

‘‘Saan kayo galing?’’ Bati ko kay Mang Asiong habang paakyat kami sa hagdang kawayan.

‘‘Naghabol ng mga manunuba,’’ sagot niya at idinagdag,’’ magkape muna tayo. Mayroon akong kapeng imported.’’

‘‘Ang gusto ko ay kapeng barako,’’ sagot ko sabay upo sa sopang gawa sa narra.’’

Habang humihigop kami ng kapeng barako ay ikinuwento niya ang kung paano nagsimula ang Bankong Pang-nayon.

‘‘Mayroon kaming paluwagan. Labindalawa ang kasapi. Bawat buwan ay nag-aambag kami ng tig-sasampung piso. Tuwing buwan ay may isang tumatanggap ng buong koleksiyon.’’

"Kayo rin ba ay mag-iimpok?’’ Tanong ko kay Mang Asiong habang nagsusulat sa notebook kong itim.

‘‘Hindi, Doktor. Ang pag-iimpok ay hindi bahagi ng paluwagan. Pero iyon ang unang pagbabagong ginawa namin nang tinuruan kami ng sistemang Bankong Pang-nayon. Ang kalahati sa abuloy lang ay ibinigay sa mga kasapi. Ang kalahati ay ipinapasok bilang impok. Tapos ay sinanay na kami sa mga alituntunin ng kooperatiba. Pinalaki na rin ang mga kasapi. Nagkaroon din ng mga opisyales at doon ako nahalal na treasurer.’’

Naalala ko tuloy ang paulit-ulit na turo ni Dr. Y.C. James Yen ng pagbabagong tatag ng mga nayon. ‘‘Mag-umpisa sa alam na. Palaguin ang mayroon na.’’

Mula sa paluwagan nauwi iyon sa Bankong Pang-nayon.

Show comments