Ilang ulit na naming sinabi na dahil sa maiinit na balitaktakan sa legalidad ng pagdagsa ng mga Kano, nalilimutan na ang tunay na isyu at ito ay ang pagliligtas sa tatlong bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf. Siyam na buwan nang bihag ng mga walang kaluluwang bandido sina Martin at Gracia Burnhams makaraang kidnapin sa Dos Palmas resort sa Palawan noong May 27. Kasamang bihag ng mag-asawa ang Filipina nurse na si Deborah Yap. Ang isa sa mga Amerikanong bihag na si Guillermo Sobero ay pinaniniwalaang pinugutan ng ulo noong June 12, 2001. Iyan ang isyung hindi nakikita.
Malinaw naman ang 10 guidelines na ipinalabas ni GMA sa pananatili ng mga Kano rito. Ito aniya ay purely an exercise na kapapalooban ng pagsasanay ng US military troops sa mga Pilipinong sundalo. Ito aniya ay isang paraan para durugin ang mga terorista sa buong mundo. Hindi aniya ito labag sa Constitution sapagkat nakapaloob sa Visiting Forces Agreement (VFA). Nasa likod aniya ng Balikatan ang National Security Council at suportado ng Congress. Ang AFP Chief of Staff ang may control sa Balikatan. Magtatapos aniya ito ng anim na buwan at hindi sangkot ang mga Kano sa combat operations. Ang anumang paglabag sa karapatang pantao (human rights) ay imo-monitor ng Department of Justice. Ang socio economic projects ay isasagawa sa ikalawang bahagi ng Balikatan.
Sa kabila nga ng mga inihayag ni GMA tungkol sa Balikatan ay marami ang bumabatikos at umaangal. Siguroy dapat munang subukan ang kakayahang ihahatid ng mga Kano sa "mahinang AFP" bago magkaroon ng maiinit pang balitaktakan. Kung sakalit masira ang mga sinabi ni GMA sa pagdaraos ng Balikatan, saka siya sisihin. Ang mahalaga ngayoy maturuan ang AFP nang tamang pakikipaglaban sa mga teroristang gaya ng Abu Sayyaf.