^

PSN Opinyon

Pag-anyaya sa mga tagasunod

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
May misyong dapat isakatuparan si Jesus. Iniwan niya ang kanyang pamilya. Sinimulan niyang ipahayag ang paghahari ng Diyos. Alam niya noong una pa man na mangangailangan siya ng mga makatutulong. Mga kababaihan at kalalakihan na tutulong sa pagpapalaganap ng kanyang misyon. At kinailangan niyang hubugin at turuan sila.

Kung kaya sa bandang unahan ng mga Ebanghelyo, sinasabi sa atin na iniwan niya ang Nazaret at nagsimulang magpahayag at magpagaling sa Capernaum.

Narito ang salaysay ni Mateo sa mga pangyayari (Mt. 4:12-23).

‘‘Nabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito’y nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: ‘Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali – daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil! Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw! Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!’’

‘‘Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Ang sabi niya, ‘Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.’’

‘‘Sa paglalakad ni Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, ‘Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.’ Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

‘‘Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ng kanilang ama at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.


‘‘Nilibot ni Jesus ang Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.’’

Bilang mga Kristiyano at mga Katoliko, lahat tayo ay may misyon. Tinanggap natin ang misyong ito nang tayo’y binyagan. Ang ating misyon ay papaghariin ang Diyos saan man tayo naroroon. Sa ating pamilya, sa ating pinagtatrabahuhan, sa ating pakikisalamuha kaninuman. Si Jesus ang ating pangunahing huwaran kung paanong ipapahayag ang paghahari ng Diyos. Sa ganang amin, ang aming paraan ng pagpapahayag ng paghahari ng Diyos ay sa pamamagitan ng pagtataguyod ng paggalang sa dangal ng bawat tao. Ang pakitunguhan ang bawat tao ng may katarungan at pagmamahal.

Gaya nang pagsasanay ni Jesus sa kanyang mga alagad, kami rin sa AKKAPKA-CANV ay nagsasanay sa aming mga miyembro. Tinutulungan namin silang ikintal sa kanilang mga sarili ang paggalang sa bawat tao. Ginagawa namin ito sa pamamagitan nang paghikayat sa kanila na pagnilayan ang kanilang nakaraang pamumuhay, kung paanong sila’y pinagmumulan ng karahasan, at kung paanong sila’y tumutugon nang marahas kapag sila’y naging biktima ng karahasan.

Ang mga ito’y nangyayari sa loob ng mga seminar na aming itinataguyod. Bunga ng mga ganitong seminar, ang aming mga kaanib ay nagkakaroon ng panibagong pananaw sa buhay at pakikitungo sa kapwa tao. Ito ang aming kongkretong paraan nang pagsunod sa Ebanghelyo ng kapayapaan at katarungan ni Jesus.

CAPERNAUM

DIYOS

EBANGHELYO

GALILEA

JESUS

LAWA

MABUTING BALITA

NAZARET

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with