Isang magaling na doktor sa UST Hospital at St. Lukes Hospital ang aking kinausap at nagbigay ng makabuluhang payo sa nasabing sakit siya si Dr. Priscilla Caguiao na kasakuluyang pangulo ng Philippine Society of Medical Oncology. Sinabi ni Dr. Caguiao na ang Pilipinas ang may pinakamataas na insidente ng breast cancer. Marami pa ring mga kababaihan ang hindi na-momonitor na mayroon na silang sakit na ito. Isang problema ang kawalan ng modernong pasilidad para ma-monitor ang sakit. Malayo pa aniya ang ating bansa kung ikukumpara sa ibang bansa na may makabagong kagamitan para madaling matukoy ang breast cancer.
Sinabi ni Dr. Caguiao na mahalaga ang tamang diet upang makaiwas sa breast cancer. Inihalimbawa niya ang mga Japanese women na mababa ang insidente ng breast cancer dahil mahilig silang kumain ng isda, gulay at "tufu". Ang mga pagkaing ito aniya ay may taglay na estrogen. Idinagdag ni Dr. Caguiao na malaki rin ang kinalaman ng environment at estilo ng pamumuhay sa pagkakaroon ng breast cancer bukod pa sa ito ay namamana.
Ang operasyon o ang pagtanggal sa apektadong bahagi ng suso ang isang paraan upang maagapan ang cancer. Ang iba pang paraan ay ang hormonal therapy, chemotherapy at radiation theraphy. Isasagawa ito depende sa stage ng cancer.
Ipinayo ni Dr. Caguiao na mahalaga ang early detection. Dapat aniyang magsagawa ng self-breast examination kapag ang babae ay 20-anyos pa lamang. Dapat salatin ang mga suso kung may bukol. Ang mga babaing nasa 40-anyos ay dapat sumailalim sa mammography.