Okey lang naman ang batikos sa pagdagsa ng mga Kano dahil nasa malayang bansa tayo. Sa isang banda, nakikita naman naming ang totoong isyu ay hindi natututukan nang marami. Unang-una, nalilimutan na may tatlong buhay na sa kasalukuyay hawak ng mga walang kaluluwang bandido. Kailangang masagip ang tatlong buhay na ito bago pa intindihin ang nagsusulputang problema. Ang tatlo na walong buwan nang nasa piling ng mga bandido ay sina Martin at Gracia Burnham at ang Filipina nurse na si Deborah Yap. Sa takbo ng nangyayari ngayon, na tila ginagamit ng isyu ng mga magkakalabang pulitiko ang Balikatan 2002, wala nang nag-aalala sa tatlong bihag. Hindi na naiisip kung ano na ba ang nangyayari sa tatlong bihag. Buhay pa ba ang mga ito o patay na? Habang nagbabalitaktakan ang mga senador at humihiyaw ang mga militanteng grupo, umiiyak naman ang mga magulang at kamag-anak ng tatlong bihag. Wala na silang marinig sa kasalukuyan tungkol sa mga bihag dahil natatakpan na ang tunay na isyu ang mailigtas ang mga ito.
Maraming beses nang nagbigay ng taning ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ganoon din si GMA sa mga bandido subalit walang nangyari. Isang katotohanan nang kahinaan ng military. Kung may masamang mangyari sa tatlong bihag, paduduguin din kaya ng mga pulitiko at militanteng grupo ang kalsada para kondenahin ang kasamaan ng mga bandido? Marami ang naliligaw sa isyu at hindi masapol na kailangang mailigtas muna sa lalong madaling panahon ang mga kawawang bihag. Kapag nailigtas na ang mga bihag at hindi pa umaalis ang mga Kanong banta umano sa kasarinlan ng bansa, saka tayo magsama-sama para sila itaboy. Ang mahalaga ngayoy mailigtas muna ang tatlong bihag sa mga kuko ng halimaw.