Mga pangangailangang materyal at espiritwal

Mainam para sa atin bilang mga Kristiyano na maunawaan natin ang mga pangangailangan ng tao. Dapat nating pagpunyagian na magkaroon ang mga tao ng mga espiritwal at materyal na mga bagay na makakatulong sa kanila upang mamuhay ng maligaya at matiwasay.

Sa puntong ito, makakatulong sa atin na tunghayan natin si Jesus habang kanyang pinagagaling ang isang lalaking patay ang isang kamay. Ikinuwento sa atin ito ni Marko (Mk. 3:1-6).

"Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking patay ang isang kamay. Kaya’t binantayan si Jesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparatang sila sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking patay ang kamay: ‘Halika rito sa unahan!’ Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, ‘Alin ba ang ayon sa Kautusan: Ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?’ Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, ‘iunat mo ang iyong kamay.’ Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Jesus.’’


May ilang mga taong nag-iisip na si Jesus at ang Simbahan ay interesado sa espiritwal na pag-unlad ng mga Kristiyano o mga Katoliko. Hindi ito totoo. Si Jesus ay interesado kapwa sa espiritwal at materyal na mga pangangailangan ng bawat tao. Makikita natin ito sa pag-uugali ni Jesus. Para kay Jesus, ang hindi paggawa ng kabutihan ay paggawa ng kasamaan. Ang hindi magpagaling ay pagpatay. Ang Araw ng Pamamahinga ay hindi itinatag upang supilin ang paggawa ng kabutihan. Kung kaya’t siya’y nagpagaling sa lalaking patay ang kamay sa mismong Araw ng Pamamahinga.

At si Jesus ay hindi natatakot na harapin ang bunga ng kanyang mga iginawi. Sa bandang huli, siya’y ipapapako sa krus. Subalit ito’y napakahalagang aral na dapat matutunan ng bawat alagad o tagasunod ni Jesus. At ganoon din para sa ating mga Kristiyano. Tayo’y hindi dapat matakot na gumawa ng kabutihan, magsalita at manindigan para sa katarungan at katotohanan, kahit na ito’y mangahulugan ng pagpapahirap at pag-insulto sa atin. Sa active non-violence o alay-dangal, ito ang tinatawag naming kahandaang magtaya ng sarili, kahandaang magbayad ng halaga.

Show comments