Manok sa bagong panganak

‘‘Papunta ako sa bahay ni Martin na pamangkin ko. Gusto mo bang sumama, Doktor,’’ paanyaya ni Mang Teroy sa akin. ‘‘Bagong panganak ang asawa niyang si Lita.’’

‘‘Oo, sasama ako,’’ masigla kong sagot, ‘‘pero bakit may dala kang isang tiklis na manok Mang Teroy?’’

‘‘Regalo ko kay Lita dahil bagong panganak. Kailangang pakanin siya ng manok na nilaga na may malunggay para lumakas ang daloy ng gatas. Balita ko eh ubos na ang mga manok ni Martin. Kailangan kasing manok ang kainin ni Lita sa loob ng 30 araw.

Malapit lamang ang kina Martin kaya madali naming narating iyon ni Mang Teroy. Naghihintay na si Martin sa amin. Si Martin ay 19 anyos lamang. Maaga itong nag-asawa.

"Magpatay ka na ng manok Martin at nang mailaga mo para makahigop ng sabaw si Lita." Utos ni Mang Teroy. Maliksing sumunod si Martin.

‘‘Mang Teroy bakit ba 30 araw kung pakainin ng manok ang bagong panganak?’’ Tanong ko.

‘‘Iyan ang nakaugalian dito sa nayon Doktor. Kahit maubos ang manok ay hindi mahalaga basta maipakain sa bagong panganak. Kailangan ay native na manok ang ipakakain.’’

‘‘Bakit pa native? Ang white leghorn ay manok din hindi ba?’’

‘‘Ang banyagang manok ay malansa lalo na sa bagong anak,’’ paliwanag ni Mang Teroy.

‘‘Dapat tayong mga lalaki ay kasama sa pagkain ng manok. Kasama rin tayo sa paggawa ng bata hindi ba?’’ Tanong kong nagtatawa kay Mang Teroy.

"Dapat nga Doktor, pero ang sabi ng mga babae hindi naman tayo nagdalantao at naghirap ng siyam na buwan at saka nanganak. Mahirap nga naman di ba Doktor?’’

Napatango ako. Tama si Mang Teroy.

Show comments