Kamakalaway isang laboratoryo ng shabu ang sinalakay ng Philippine National Police-Anti Narco-tics team sa 93 Araullo cor. Montessori St., Bgy. Addition Hills, San Juan. Pitong Chinese ang nasorpresa habang nagluluto ng shabu dakong alas-kuwatro ng hapon. Nakakumpiska ng shabu na nagkakahalaga ng P100-milyon. Pawang mga hi-tech equipment ang ginagamit ng pitong Chinese kung kaya hindi maamoy ang nilulutong shabu. Ang pitong suspect ay pawang nagmula sa Fujian, China.
Ang San Juan ay ipinagmamalaki ni dating President Estrada at maging ng kanyang anak na si da-ting Mayor Jinggoy na "drug-free" subalit sa taya ng pulisya mahigit na umanong limang taon na nag-ooperate ang shabu laboratory.
Talamak ang problema sa droga ng bansang ito at mula nang maupo si President Gloria Macapagal-Arroyo ay wala pang nasasampulang drug trafficker sa kabila na kamatayan ang parusa sa lumalabag dito. Ang mga drug traffickers na namamayagpag pa noong panahon ni dating President Estrada ang mga namamayagpag pa rin ngayon. Paanoy wala silang kinatatakutan sapagkat ang kanilang galamay ay nakakapit na sa mga ahensiya ng pamahalaan na pinamumunuan ng mga corrupt na opisyal.
Maski ang mga corrupt na mayor at gobernador sa mga lalawigan ay pinaiikot na rin ng mga sindikato kaya hindi masugpo ang salot ng lipunan. Ilang buwan na ang nakalilipas, nahulihan ng 500 kilo ng shabu si Mayor Ronnie Mitra ng Panukulan, Quezon.
Sa kabila na tambak ang nakukumpiskang shabu, isang malaking katanungan din kung saan napupunta ang mga ito sapagkat wala nang nababalita pa. Marami ang naniniwala na ang nakukumpiskang shabu ay niri-ricycle ng mga corrupt na miyembro ng PNP at NBI at pinagkakakitaan. Isang malaking katanungan din kung paano nakalulusot ang mga Chinese sa bansa. Isang katotohanan na mayroon silang kontak sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Gawin sanang dibdiban ng PNP at NBI ang kampanya laban sa mga drug traffickers upang mailigtas ang bansa sa pagkasira. Sampulan sila ng parusang kamatayan. Kung hindi ganito ang gagawin ng pamahalaan, hindi mauubos ang mga salot.