Pakyawang kontrata

MAAARI bang maghirang ng manggagawa ang gobyerno ng pakyawan? Iyan ang sasagutin sa kaso ng isang Regional Director ng Bureau of Treasury.

Mula Hunyo, 1982 hanggang Setyembre 1982 at noong Pebrero 1983, ang direktor ay nangontrata ng electrician upang kumpunihin ang kanyang opisina. Nag-anyaya siya ng mga taong interesadong gumawa ng pakyaw. Si Ramon ang nakakuha ng kontrata at pinakyaw niya ang trabaho. Kumuha siya ng dalawang karpinterong katulong at tinapos nila ang pagkukumpuni sa madaling panahon. Umabot ng P45 isang araw ang ginastos ng gobyerno. Pagkatapos ay tuluyang hinirang si Ramon bilang casual employee na may suweldong P25 isang araw.

Nang magreretiro na ang Regional Director, ibig bawasan ng COA ang retirement pay nito. Sabi ng COA, lugi raw ang gobyerno noong unang binayaran si Ramon ng pakyaw dahil P45 isang araw ang binayad sa kanya samantalang P25 isang araw lang ang suweldo ng mga casual. Kaya binawasan ang retirement pay ng Regional Director ng halagang P4,276. Dumulog ang Regional Director sa Supreme Court. Mali raw ang ginawa nitong pagbawas sa kanyang retirement pay. Tama ba ang Regional Director?

Tama.
Totoong may kapangyarihan ang COA na magbawas ng mga ginastos. Ngunit kailangang may tamang batayan sa pagbabawas. Dito kay Ramon, mali ang pagbawas na ginawa ng COA. Ang kontratang pinasukan ng Regional Director ay pakyawan. Ang mga pamantayan ng suweldong arawan ay hindi magagamit sa pakyawan. Sa pakyaw, ang manggagawa ay binabayaran batay sa natapos o sa resulta ng trabaho, at hindi sa tagal ng trabaho. Hindi pinagbabawalan ang pakyaw dahil kung minsan may bentaha ito. Sa pakyaw, naaalis ang patigil-tigil at pag-aaksaya ng panahon ng manggagawa, at hindi nangangailangan ng mahigpit na pangangasiwa. Hindi masasabing lugi kung ang trabaho ay ipa-pakyaw. (Dingcong vs. Guingona 162 SCRA 782).

Show comments