Bago siya naluklok, apat na araw munang nagtipun-tipon sa EDSA ang maraming tao, karamihay kabataan para pababain sa puwesto si Joseph Estrada. Ang kontrobersiyal na pagbubukas ng envelope ang gumatong sa taumbayan para mag-alsa.
Mag-iisang taon na ang nakalilipas. Wala na nga si Estrada sa puwesto subalit ang naging dahilan ng kanyang pagbagsak ang jueteng ay narito pa at patuloy na nagpapahirap sa mga dukhang umasa noon kay Estrada. Hindi nawala ang jueteng kahit na ang sugal na ito ang naging dahilan ng pagkakatalsik sa isang pinuno. Hindi nagawang durugin ni GMA ang jueteng. Ang mga mahihirap at walang hanapbuhay ang patuloy na pinahihirapan ng sugal na ito. Kahit ang karampot na perang pambili ng bigas ay itinataya pa sa jueteng. Ito pa rin ang pinagkakakitaan ng mga corrupt na mayor, governor, pulis at mga barangay officials.
Ang Central Luzon ang itinuturing na balwarte ng mga bigtime jueteng operators. Talamak ang jueteng sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales at sa mismong home province ni GMA, ang Pampanga. Sinasabing sa Pampanga ang pinakatalamak ang jueteng. Ayon sa pulisya, nagsagawa sila ng 469 raids at nakaaresto ng 1,384 collectors sa Pampanga. Ang nakapagtataka, matapos mahuli ang mga collectors, kinabukasan ay mayroon na namang pagbola sa jueteng. Isa lamang ang ibig sabihin nito, masyadong malakas ang operator at kayang magtapal ng pera. Milyon ang kinikita ng operator sa loob ng isang buwan.
Sa Southern Tagalog man ay talamak din ang jueteng at walang pagkatakot ang mga operators. Sino nga ba naman ang katatakutan gayong ningas-kugon ang kampanya at kayang lagyan ang mga corrupt officials? Laganap ang pa-jueteng sa Laguna, Quezon, Batangas at Oriental Mindoro. Patuloy na inilululong ang mga mahihirap na magkaroon ng pag-asa sa pagtaya sa jueteng.
Isang taon nang wala si Estrada at isang taon na ring nakaupo si GMA pero ang jueteng ay walang palatandaan nang pagkalusaw. Sinasabi ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na tagumpay ang operasyon nila sa jueteng. Madali naman itong sabihin. Ang hinahanap ng taumbayan ay ang katotohanan na mawala ang sugal na ito na isa sa ugat ng kahirapan at katiwalian.