"Doon na lang sa bayan," sabi kong nagpapakipot.
"Dito na lang. Nanguha si Neneng ng paborito mong sigarilyas sa aming gulayan."
Ang asawa ni Tetong na si Neneng ay mahiyain. Nalaman pala nito na ang paborito kong gulay ay sigarilyas. Dahil dito, sadyang nagtanim para sa akin. At ngayong narinig na darating ako ay nanguha ng sigarilyas at iginulay. Gustung-gusto ko ang tuyo at sigarilyas.
Si Tetong at ako lang ang pinaupo sa mahabang dulang. Napakalinis ng mesa. Halatang bagong isis.
Ang kanyang mga anak ay hindi pinaharap dahil magulo.
Si Nitoy ang panganay na may anim na taong gulang ay tumingin sa dulang at biglang ibinulalas, "Bakit may kutsara sa mesa?"
Nanlisik ang mata ni Neneng sa anak at hinila sa sala. Hindi pinansin ni Tetong. Nagtataka si Nitoy sapagkat sa pagkain ay puro sila nagkakamay at hindi gumagamit ng kutsara o tinidor.
Lumingon ako sa aparador sa gilid. Napansin kong maraming mga baso. Iba-iba ang kulay at disenyo. "Ang dami ninyong basong inuman," sabi ko.
Ngumiti si Neneng. "Iyan ho ang natanggap namin noong kami ay ikinasal."
"Dekorasyon lamang iyan," sabi ni Tetong. "Hindi pinapagamit ni Neneng maliban kung kayo ay kumakain dito, Doktor."
Natuwa ako sa sinabi ni Tetong. Iba talagang tumanggap ng bisita ang mga taga-nayon masarap silang maging kaibigan.