Naalala ko ang isang pangyayari noong December habang nagsisimbang-gabi sa San Felipe Neri Church sa Mandaluyong City. Isang tinedyer ang pinagtulungang bugbugin ng isang grupo ng kabataan na umanoy kaanib sa fraternity. Naganap ang insidente sa San Rafael Street. Madalas umanong magbatuhan ang dalawang grupo sa naturang kalye at napipinsala ang mga bahay at tindahan. Inireklamo na ang mga kaguluhang ito ng mga residente pero wala namang aksyon ang mga barangay officials. Maraming insidente ng fraternity war doon ang na-report sa pulisya.
Isang dalagita na kasisimba lang ang tinamaan ng bala ng baril sa isang fraternity war sa Sta. Cruz, Maynila. Samantalay limang kabataan ang malubhang nasugatan matapos na hagisan ng pillbox sa Caloocan City. Inirereklamo rin ng mga residente ng Quezon City ang walang katapusang fraternity war sa Cubao at Fairview. Sa Pasay City ay marami ring estudyante ng high school na miyembro ng fraternity ang nagrambolan.
Ang tanong, ano ang ginawa ng kapulisan ng Metro Manila para masawata ang fraternity war na madalas na magwakas sa kamatayan? At nasaan ang mga magulang ng mga kabataang ito na hinahayaang mapahamak ang kanilang mga anak dahil sa pagsanib sa fraternity? Huwag silang hayaang maligaw.