May mga basehan na hindi lamang tsismis na balita na balita na may namumuong lakas upang magsagawa ng kudeta laban sa gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Ang masakit nito, mga dating kasamahan at tagasuporta ni GMA ang nais ngayong magpatalsik sa kanya.
Ang isa pang grupo na hanggang ngayon ay ngitngit na ngitngit pa rin upang makabawi kay GMA ay ang kampo ni Erap. Hindi nila matanggap na naisahan sila ng tinatawag nilang isang babaeng kulang sa sukat ngunit ngayon ay nakikitan nilang isa palang matinik na higante sa tibay ng dibdib at galing sa pag-iisip.
Subalit lumalabas na hindi lamang ang mga ito ang gustong sumuwag kay GMA. Nariyan ang ibat ibang grupo ng militanteng civil society, mga makakaliwa, maka-sentro at maka-kanan na nagpahiwatig na hindi sila sumasang-ayon sa pamamalakad ni GMA. Sa katunayan, parami nang parami ang mga kumakalaban ngayon kay GMA imbes na suportahan ito.
Kung kayat sinasang-ayunan ko ang panukala ng ilang may matitinong pag-iisip at may magandang hangarin upang mapalayo ang ating bayan sa kaguluhan. Ipinagdidiinan nilang huwag nang ituloy pa ang pagtatanghal ng malawakan at malakihang selebrasyon ng People Power II. Gunitain na lamang ito ng simple. Isa pa, maliban sa makakaiwas sa gulo at panganib, makakaligtas pa ang bansa sa walang kakuwenta-kuwentang malaking gastusin.