Gustung-gusto kong lumupasay sa papag na kawayan na nasa silong. Kay sarap alisin ang sapatos at humiga. Nararamdaman ko ang hangin sa mga puwang ng papag.
Si Tetong ay magsasaka pero siya rin ay magaling na karpintero lalo na sa bahay na gawang puro kawayan.
Nagkakilala kami nang mabalitaan niyang gusto kong gumawa ng kulungan ng manok na yari sa kawayan sa likod ng aming bahay sa barrio. Nagpresinta siyang gagawa.
Napakaganda ng kulungan ng mga manok nang mayari. Parang tao ang titira at hindi manok. Ayaw akong pabayarin kahit isang sentimo. Gamutin na lang ninyo ang pamilya ko kung kami ay magkasakit, sabi ni Tetong.
Pumayag ako at mula na noon ay naging matalik kaming magkaibigan.
Nag-alaga ako ng Vantress na mga manok. Napakalaking lahi ngunit saksakan naman ng takaw. Sa dami ng gastos ay halos kalahati lang ang naipagbili ko sa manukan.
Nang dumating ang Pasko, nagpasya akong gawing regalo ang mga manok para sa aking mga kamag-anak at kaibigan sa siyudad.
Madalas sabihin ni Tetong na hindi niya ako siningil sa paggawa ng manukan dahil alam niya na ako ay malulugi sa aking negosyo.
Humanga ako kay Tetong at ganoon din sa lahat ng mga magsasaka, kasi nagagawa nilang mabuhay sa bagay na hindi ko kaya.