Kailangang simulan natin ang taon na ito na may pagkakaisa at layunin para sa bansa. Kagaya ng panawagan ng ating Presidente na paghilumin ang sugat at magkaroon ng rekonsilyasyon sa bawat sektor ng lipunan. Magandang pangitain ang panawagan na bukas ang kanyang administrasyon sa lahat, oposisyon man o kakampi, upang magkapit-bisig para iangat ang bansa.
Ang pagkakaisa at pagtutulungan para sa pag-unlad ng ekonomiya ang higit nating kailangan ngayon. Napag-iiwanan na tayo ng mga karatig nating bansa. Hindi napapanahon ang pagsisisihan ngayon. Mag-iisang taon pa lamang ang administrasyon at napakaaga para sisihin kung hindi pa natutupad ang mga pangakong reporma sa ekonomiya. Sa kabila ng mga problema ng ating bansa, naging matatag naman ang ating pamahalaan sa pagtaguyod ng mga programa at proyekto nito at naging maayos ang takbo. Patuloy pa rin ang malinis na adhikain ng pamahalaan na pagsilbihan ang taumbayan.