Noon pa dapat ginawa ito. Dalawang araw bago ang bombings na pumatay sa 26 na civilians at pulis, na-diyaryo ang tatlong hinihinalang terorista na nahuli ng NBI sa Plaza Ferguson, Manila. Kumanta ang tatlo: Inilipad sila ng PAOCTF agents mula Zamboanga City para sa umanoy "bombing mission." Magsa-sideline rin sila ng pagbenta sa media outlets ng videotapes ng interview kay Jeffrey Schilling, na nooy hostage ng Abu Sayyaf. Tila may ugnayan ang PAOCTF at Sulu terrorists. Kaya lang, wala nang kasunod ang imbestigasyon. Malakas noon ang PAOCTF.
May bagong leads na tumuturo sa PAOCTF sa Rizal Day massacre. Isang Col. Efren Torres ang umanoy go-between ng mastermind at bombers. At yung nahuling 100.5 kilo ng C-4 explosives kay Navy Lt. Anthony Miraflor, kulang ng 4.5 kilos sa nakalistang in-issue sa kanya. Dating PAOCTF officer si Miraflor; C-4 din ang explosives na ginamit sa bombings. Sumisikip na kaya ang bitag?
May iba pang krimeng sangkot ang PAOCTF na dapat siyasatin ng NBI. Nasa financial records ng TF Corp., franchise owner ng burger joint sa Bicutan, na pera ng PAOCTF samakatuwid, ng taumbayan ang puhunan. Naka-rehistrong may-ari ng kompanya ang matataas na officers ng PAOCTF: Panfilo Lacson, Michael Ray Aquino, Magtanggol Gatdula, at James Melad. Graft at malversation ito.
Marami pa ring kagamitan ng PAOCTF ang hindi ma-account ng officers: Bugging devices, kotse, safehouses, baril at bala, cellphones. Kung susuyurin lahat ng NBI, mapapanagot ang officers.
Samantala, hinihintay ng taumbayan ang report ng Senado tungkol sa umanoy drug-trafficking ng PAOCTF. Hinihintay din ang desisyon ng Korte Suprema kung idadawit si Lacson sa Kuratong Baleleng massacre.