Dumating ang panahon na ang kompanya ay pinagbili sa PNOC, isang kompanya na pag-aari at kontrolado ng gobyerno. Kaya ang kompanyang pinapasukan niyay naging sangay ng PNOC. Nang matapos ang proyekto sa Cagayan Valley, tinanggal na si Oscar sa trabaho. Makaraan ang isang taon, kinuha uli siya ng PNOC bilang driver-mechanic sa proyekto nito sa Samar. Nang matapos ang proyekto sa Samar, tinanggal na uli si Oscar at hindi na siya kinuha pang muli sa iba pang proyekto.
Sa paniniwalang regular na empleyado na siya dahil mahigit isang taon na siyang naging driver-mechanic, idinemanda ni Oscar ang kompanya ng illegal dismissal sa NLRC. Tama ba si Oscar?
Mali. Hindi illegal ang pagkakatanggal sa kanya. Hinirang siya bilang driver-mechanic sa mga partikular na proyekto. Natatapos ang trabaho niya pagkatapos ng bawat proyekto. Kahit pa masasabing ang ginagawa niya bilang driver-mechanic ay kailangan sa karaniwang negosyo ng kompanya, ang pagtatapos nitoy may taning na oras o panahon na kasabay ng pagtatapos ng bawat proyekto at pinaalam sa kanya ito bago pa siya mamasukan. Kaya siya ay hindi regular na manggagawa kahit ang pagtatrabaho niyay higit na sa isang taon. (PNOC-EC vs. NLRC 164 SCRA 501)