Alay sa Dumagat

TUWING unang Linggo ng taon ay ginaganap sa Angat Dam, Norzagaray, Bulacan ang ‘‘Alay Sa Dumagat,’’ isang outreach program para sa mga katutubo na nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre. Ang humanitarian mission na ito na sinimulan noong 1948 ay nasa pangangasiwa ng mga anak ng yumaong Gen. Alejo Santos.

Matatandaan na ang mga Dumagat ang tumulong kina General Santos sa pakikipaglaban sa mga Hapon noong World War II. Ayon kay Dr. Rene Santos, isa sa mga anak ng yumaong war hero ng Bulacan, ang mga Dumagat ay mga ‘‘unsung heroes’’ at hindi sila nabigyan ng anumang benepisyo gaya ng natanggap ng mga war veterans. Napamahal sa pamilya Santos ang mga Dumagat kung kaya’t ang ‘‘Alay Sa Dumagat’’ ay ginagawa nila taun-taon at ito’y itutuloy ng generation to generation.

Nagbibigay sina Dr. Santos ng mga pagkain, damit, gamot at iba pang relief goods sa mga Dumagat na halos apat na araw ding isinasagawa ng La Lomations Club, Rotary Club of Biak-na-Bato Silangan District 3780, Reserve Officer Legion of the Philippines at ng mga volunteer public servants. Naging panata na ni Ambassador Benjamin Lo ng Republic of China na mag-donate ng 10 sakong bigas para sa mga Dumagat.

Malungkot na sinabi ni Dr. Santos na hindi sapat ang ginagawa nilang pagtulong sa mga katutubo kaya nananawagan siya kina Senator Blas Ople, Gov. Josie dela Cruz at Mayor Feliciano Legaspi ng Norzagaray, Bulacan na makiisa sa kampanya para mabigyan ng maayos na pamumuhay ang mga Dumagat. Ayon kay Dr. Santos, puwedeng italagang bantay ng kagubatan ang mga Dumagat sa halip na mga forest rangers na hindi naman nagagampanan ang trabaho lalo na sa kaso ng illegal logging.

Dapat na magkaroon ng livelihood program ang mga Dumagat. Turuan silang magtanim at matutong protektahan ang kalikasan na hindi lang napipinsala ng natural disasters kundi ng man-made disaster. Dapat na mabigyan ng edukasyon ang mga katutubo kahit na sa elementarya lamang.

Nagpapasalamat sina Dr. Santos at ang kanyang magandang maybahay na si Amy sa mga Protestant Ministers na umakyat sa Sierra Madre para maturuan ng relihiyon ang mga katutubo. Nalungkot kami ni Direk Willie Schneider nang malaman naming si Mang Fermin, ang matandang puno ng mga Dumagat ay sumakabilang-buhay na. Si Mang Fermin ang nagsilbing giya namin ni Direk sa pakikipag-ugnayan sa mga katutubo tuwing magdaraos ng ‘‘Alay Sa Dumagat.’’

Malarya, disenterya, pulmonary tuberculosis at pagkagutom ang sanhi ng kamatayan ng mga Dumagat na unti-unti nang nalalagasan ng bilang at hindi malayong maging isang vanishing tribe. Maraming Dumagat ang bumaba sa kapatagan at doon na nagtrabaho, nagkaasawa at nakalimutan na ang liping pinagmulan at nakikilangoy na rin sa makabagong kabihasnan.

Show comments