Bago natapos ang taon, nadiskubre ng gobyerno ang "Oplan Noche Buena" na binabalak umanong isagawa ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) at Young Officers Union (YOU) sa pakikisabwatan sa Philippine Consultative Assembly (PCA). Ang PCA ay pinamumunuan ni Linda Montayre, dating supporter ni GMA ngunit ngayoy numero uno niyang kritiko. Pinabulaanan ni Montayre ang akusasyon.
Lalong lumaki ang agam-agam sa kudeta nang patayin si Army Lt. Baron Cervantes, umanoy spokesman ng YOU. Sa bibig ni GMA nanggaling na politically motivated ang pagpatay kay Cervantes. Pinatay nang nag-iisang gunman si Cervantes sa Parañaque City noong bisperas ng Bagong Taon. Naganap ang pagpatay isang linggo makaraang isumite umano ni Cervantes kay Pastor Boy Saycon ng Council for Philippine Affairs (COPA) ang mga dokumento tungkol sa balak na kudeta ng RAM, YOU at PCA. Ibinunyag umano ni Cervantes ang pagpupulong ng grupo sa Puerto Azul sa Cavite.
Misteryo ang pagpatay kay Cervantes at hanggang sa kasalukuyan wala pang nahuhuling suspect. Patuloy din naman ang agam-agam sa kudeta. Maagang pasalubong sa Bagong Taon. Nagbanta naman si GMA sa mga coup plotters na dudurugin ang mga ito at hindi magtatagumpay sapagkat ang police at military ay nasa likod niya. Sinabi pa ni GMA na ang mga masasamang nagbabalak ng kudeta ay ayaw paangatin ang bansa at ibig patuloy na maghirap ang mamamayan.
Kailangang lusawin ni GMA ang agam-agam sa kudeta. Ito ang magiging dahilan para matakot ang mga dayuhang mamumuhunan. Kasabay naman ng pagsasabing dudurugin ang mga coup plotters, paigtingin ni GMA at magseryoso sa pagbibigay ng kalinga sa mga mahihirap. Pagtuunan ang mga problemang sagabal sa paghahatid ng serbisyo sa kapus-palad. Babaan ang presyo ng mga bilihin, pasahe at iba pa. Sa paglingap sa mga mahihirap, makakukuha ng suporta sa taumbayan at ito ang dudurog sa sinumang magkukudeta.